By: JANTZEN ALVIN
Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cordillera Administrative Region (NBI-CAR),ang isang diumano ay fixer sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at dalawang iba pa, sa isinagawang entrapment operation noong Abril 12 sa Baguio City.
Kinilala ang mga inaresto na sina Lioric Amiel Chan Cervantes, Kyle Dean Sia Tabayocyoc at Christopher Leo Culta Maala.
Ang operasyon ay batay sa reklamo ng isang negosyante na nakunan ni Cervantes ng halagang umabot sa P3.6 milyon sa apat na pagkakataon bilang kabayaran sa pagkakautang niya sa buwis sa BIR.
Ayon sa imbestigasyon, inatasan ng complainant ang kanyang accountant na humanap ng makakatulong sa kanya sa pag-aayos ng kanyang babayaran na buwis sa kanyang. kumpanya sa Quezon City at San Fernando, La Union.
Ipinakilala ng kanyang accountant ang suspek na si Cervantes, kung saan tiniyak nito sa complainant na mayroon siyang kaibigan sa BIR na makakatulong sa kanya para ayusin ang babayaran niyang buwis.
Diumano, nakumbinsi ni Vervantes ang complainant na. magbayad ng halagang P3. 6 milyon sa apat na. pagkakataon kung saan binigyan pa ang complainant ng resibo na nilagdaan ng isang mataas na opisyal ng BIR.
Gayunman, nang magfollow-up ang complainant sa update ng kanyang transaksiyon sa BIR ay muli umanong.humingi si Cervantes ng halagang P750,000 para naman umano sa babayaran sa Security Exchange Commission (SEC) para maalis sa blacklist ang kumpanya.
Lingid sa kaalaman ni Cervantes ay nagberipika ang complainant sa SEC kung saan wala naman ginawang transaksiyon sa SEC si Cervantes kaya nagreklamo ito sa NBI-CAR.
Pinlano ang entrapment operation at sa aktong inabot ni Cervantes ang pera ay inaresto siya ng mga ahente ng NBI.
Dinakip rin ng NBI si Tabayocyoc na umaaktong bodyguard ni Cervantes na may dala pang dalawang armas at Maala na tumatayong driver ni Cervantes’.
Ang mga suspek ay sinampahan ng kasong estafa, falsification of private documents at illegal possession of firearm sa Baguio City Prosecutors Office.