Pinapurihan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga opisyal at staff ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) na pinamumunuan ng Director nitong si Dr. Ted Martin dahil hindi umano sila tumitigil sa pagsisikap na higit mapagpabuti ang serbisyo para sa kanilang mga pasyente.
Sinabi ni Lacuna na bilang tahanan ng pinakamalaking dialysis center sa bansa, ang GABMC ay nagpapatakbo ng 100 machines para sa libreng dialysis services sa mga residente ng Maynila na nangangailangan nito.
“Ang kagandahan dito, ang ating serbisyo ay libre. Maliban pa diyan ay libre ang hatid-sundo ng ating mga pasyente,” ani Lacuna.
Ipinaliwanag din ni Lacuna na ang bawat pasyente ay gumugugol ng apat na oras sa dialysis at sila ay napapagod at nanghihina.
“Sobrang pagod po, kaya minabuti natin na ihatid at sunduin sila sa kanilang mga tahanan nang sa gayon, makakasiguro tayong ligtas silang makakauwi sa kanilang mga tahanan,” ani Lacuna.
“Bagamat primary hospital pa lamang, lahat ng serbisyong ibinibigay nila ay hindi matatawaran,” dagdag pa nito.
Pinuri niya si Martin at mga tauhan nito sa todong pag-aalaga sa kanilang mga pasyente.
“Patuloy nilang itinataas ang antas ng pagbibigay ng medical services sa kanilag ospital gayuindin po sa ating ibang limang ospital sa buong Maynila,” pahayag pa ni Lacuna na isa ring doktor.
ANg GABMC ay isa sa anim na ospital na pinatatakbo ng Maynila at nagbibigay ng libreng serbsiyo sa mga taga-first district ng lungsod.