Latest News

Consumer advocate group, nagsumbong sa DTI vs. hard discount retailer

By: Baby Cuevas

Naghain ng reklamo ang isang aktibong consumer advocate group sa Department of Trade and Industry (DTI) bunsod ng mga hinaing ng mga Pinoy konsyumer sa isang hard discount retailer.

Sa isang sulat ng Malayang Konsyumer (MK) sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) ng DTI na may petsang Mayo 16, 2024, inilahad dito ang mga kuwestiyonable at kaduda-dudang pamamalakad ng Dali Everyday Grocery sa operasyon nito, kabilang ang paglagay ng yelo sa mga manok upang tumaas ang timbang, may uod na manok, pagbebenta ng mga pekeng produkto (tulad ng honey), at bastos na pakikitungo ng mga tauhan sa customers.

Ang liham ay pirmado ni Atty. Simoun Salinas, ang spokesman ng MK, at personal na inihain noong Huwebes sa opisina ng FTEB ni Mr. Jansen Magsano, ang convenor ng organisasyon.


“Ilan lamang ito sa mga hinaing na aming nasagap mula sa aming puspusang pananaliksik, pakikipag-ugnayan sa ibang consumer groups, at malawakang pagmamanman sa social media,” ani Atty. Salinas.

Binigyang-diin ng tagapagsalita ng MK na taong 2021 pa ay inirereklamo na ng mga mamimili ang Dali at sa kasalukuyan ay tadtad naman ng masasamang komento ang Facebook page ng establisyemento subalit aniya’y tila walang pakialam ang pamunuan at mga tauhan ng kompanya.

“Kami’y nananawagan sa Fair Trade Enforcement Bureau ng DTI. Naniniwala kami sa Malayang Konsyumer na bawat mamimiling Pilipino ay nararapat na madinig ang kanyang reklamo tungkol sa anumang produkto at serbisyong ihinahain sa merkado. At mas lalo kaming naniniwala na may karapatan ang bawat Pilipino para sa ligtas, maayos, at maaasahang pamimili ng mga produkto,” giit ni Salinas.

Ang Malayang Konsyumer ay isang multi-sectoral consumer policy protection grassroots organization na nagsusulong ng proteksiyon, karapatan, at kapakanan ng mga mamimiling Pilipino.


Tags: Department of Trade and Industry (DTI)

You May Also Like

Most Read