Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang hatol na anim hanggang 14 na taon pagkabilanggo laban sa isang lalaki na kinasuhan ng kanyang ex-girlfriend ng robbery with violence against or intimidation of person.
Ayon sa ruling ng SC 2nd Division na isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro- Javier, napatunayanh guilty sa kaso si Axel Tria.
Nag-ugat ang kaso matapos na magselos si Tria sa complainant at upang maalis ang pagseselos ni Tria ay ibinigay ng complainant ang password ng kanyang Facebook account.
Gayunman, nang makuha ang password ay nagbanta si Tria na ia-upload ang kanilang sex video at ang mga hubad na larawan.
Tinangka ng complainant na makipag break kay Tria pero nagbanta ito na ia-upload ang sex video kung hindi magbibigay ng P55,000.
Nang tumanggi ang complainant na magbigay ay pinalitan nito ang password at user name ng FB ng complainant at makalipas ang ilang araw ay nakita nang naka-post ang hubad nitong larawan at screenshot ng sex video .
Muling humingi ng P55, 000 si Tria sa complainant na pumayag na bigyan siya ng paunang P20, 000.
Lingid sa kaalaman ni Tria ay humingi ng tulong ang biktima sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagkasa ng entrapment operation laban sa akusado.
Si Tria ay napatunayang guilty ng mababang hukuman sa kasong robbery pero ibnasura naman ang kanyang kasong online libel dahil sa kakulangan ng ebidensiya.














