PINAG-AARALAN na ng Philippine National Police (PNP) ang paglipat sa City Prosecutor o sa Metro Manila ng Preliminary Investigation sa limang suspek, kabilang ang dalawang pulis, na sangkot sa pagpatay kay Police Captain Rolando Moralde sa Parang, Maguindanao del Norte.
Nitong nakalipas na linggo ay ipinag-utos ng Provincial Prosecutor ng Maguindanao ang pagpapalaya kina Police Master Sergeants Aladdin Ramalan at Shariff Balading, dahil umano sa ginawang “warrantless arrest” sa dalawang pulis at kakulangan ng isinumiteng ebidensya, bagamat sa CCTV footage ay nakita silang pinapuputukan si Capt. Moralde.
Dahil dito ay tinututukan din ng PNP Legal Department ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa piskal ng Maguindanao del Norte na nag-utos sa pagpapalaya ng dalawang pulis na sangkot sa pagpatay kay Moralde nitong May 2, 2024
Bahagi ng ginagawang pag aaral ang posibilidad na maaaring may conflict of interest dahil kaanak ng dalawang pulis na suspek ang asawa ng naturang piskal.
Nabatid na kamag-anak din ng dalawang pulis si Mohiden Ramalan Untal, ang taong hinuhuli at napatay naman ni Moralde dahil sa pagdadala ng baril habang nagtitinda ng buko.
Ayon kay Col. Jean Fajardo, ang tagapagsalita ng PNP, dapat ay nag-inhibit ang piskal kung may kaugnayan ito sa mga suspek, at nanindigan na malinaw na murder ang kaso dahil kita sa kuha ng CCTV na walang kalaban-laban si Moralde nang siya’y pagbabarilin ng dalawang pulis.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, nilinaw ni Fajardo na hindi inaresto kundi kusang sumuko ang dalawang pulis.
Binigyang-diin pa ni Fajardo na “properly documented” ang naturang pagsuko kung saan tumestigo pa ang kapatid na babae ng isa sa mga suspek; at isinumite ng PRO-BAR ang CCTV footage kung saan kitang-kita ang pamamaril ng dalawa sa biktima.
Alinsunod sa utos ng prosecutor, pinalaya ang dalawang pulis noong May 8 pero naglabas ng direktiba ang PRO-BAR noong May 10 na naglagay sa dalawang pulis sa Restrictive Custody sa PRO-BAR headquarters.
Kasalukuyan pa ring hinahanap ang tatlo pang at large na suspek sa kaso.














