Latest News

Makikita sa larawan sina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna habang nagbibigay pugay sa mga senior citizen sa isang event sa Maynila. (TSJ)

AYUDA NG 178,759 SENIOR CITIZENS SA MAYNILA, NAANTALA DAHIL KAY LOPEZ


BUNGA ng pagliham ng kandidatong si Alex Lopez kay Mayor Isko Moreno na nagkukuwestyon ukol sa ayuda ay hindi maibigay sa takdang panahon ang buwanang cash allowance ng may 178,759 senior citizens sa Maynila at kailangan itong ipagpaliban muna.

Ayon sa records ng legal office sa lungsod, napag-alaman na nagpadala ng liham si Lopez sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall kung saan kinukuwestyon n Lopez kung ang ayuda ay dumaan at naaprubahan ng Comelec ayon sa Resolution 1047; ano ang batayan ng lungsod ng pagbibigay ng ayuda; kung ito ba’y nasama sa 2022 budget; kung nag-file ang pamahalaang -lungsod ng ‘exemption’ sa Comelec Resolution 10747; kung anong mga proyekto ang hilining ng Maynila na huwag maisama sa mga bawal; kung ano na ang lagay ng nasabing aplikasyon para sa exemption at kung ano ang mga pinagkuhanan ng panggastos para sa mga naturang ayuda. Ang Resolution 10747 ay nagbabawal ng mga partikular na uri ng paggastos ng pondo ng pamahalaang-lungsod sa panahon ng kampanya.

Bunga niyan, bagama’t nakahanda na ang pondo upang maipamahagi na lamang ang buwanang benepisyo para sa senior citizens, kinailangan itong ihinto pansamantala habang lumiham si Elinor Jacinto, officer-in-charge ng Office for Senior Citizens’ Affairs (OSCA) upang hilingin kay Secretary to the Mayor Bernardito Ang na tulungan ang kanilang tanggapan na makakuha ng ‘exemption’ o pagpayag mula sa Commission on Elections para maituloy ang regular na programang nagbibigay ng allowance at birthday cakes sa senior citizens gayundin ng cash gift para sa mga centenarian o umaabot ng 100 taong-gulang.

Napag-alaman kay Jacinto na nakahanda na sanang ibigay anumang oras ng OSCA ang tig-P1,500 kabuuang 2022 first quarter allowance ng 178,759 senior citizens gayundin ang birthday cakes at P100,000 cash gift para sa mga umabot ng 100-taong gulang subalit ito ay naantala nang di oras dahil kinailangan pang pagbigyan ang kahilingan ni Lopez na humingi muna ng paglilinaw sa Comelec ang pamahalaang-lokal para maituloy lamang ang pagbibigay ng naturang mga benepisyo.

Bunsod ng pagkuwestyon ni Lopez ay lumiham si Sec. Ang sa Comelec kung saan hiniling nito na mabigyan ng ‘exemption’ ang pamahalaang-lungsod upang maipagpatuloy na maibigay sa mga senior citizens ang kanilang allowance na aniya ay hinihintay ng mga ito, me eleksyon man o wala.

Sa sagot ni Atty. Gregorio Bonifacio, Election Officer IV ng Comelec, sinabi nito na maaring ituloy ang naturang pamimigay ng benepisyo basta’t hindi ito saklaw ng Resolution 10747.

Dahil sa hindi gaanong nalinawan o direktang nasagot ng Comelec kung pupuwede ba o hindi na ituloy ang pagbibigay ng ayuda sa senior citizens, kasunod niyan ay kinailangan namang hingin ni Jacinto ang ligal na opinyon ni City Legal Officer Atty. Emeterio Moreno, Jr.

Sinabi ni Moreno na bagamat maituturing na “routine and normal expenses” ang nasabing benepisyo na noong 2020 pa naibibigay at hindi na ito dapat saklaw ng mga ipinagbabawal ng Comelec, mas mabuti umano na lumiham ang lungsod sa Comelec law department at doon ay humingi ng sertipikasyon.

“Nonetheless, considering the criminal liability for violation of the law and the letter received from… Lopez, as we all should err in the side of caution, this office …recommends that we write the Comelec law department to secure a certification that these activities are not covered by the prohibition and defer the release and continuation of these activities pending a favorable response from the Comelec,” ani Moreno sa kanyang liham na sagot kay Jacinto.

Pinayuhan ng City Legal Officer si Jacinto ng OSCA na ipagpaliban muna ang pagbibigay ng ayuda sa may 178,759 senior citizens ng Maynila, pati ng mga birthday cakes upang mapagbigyan ang kahilingan ni Lopez na maidaan ito sa Comelec.

Samantala ay inatasan nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna si Secretary Bernie Ang na bigyan ng prayoridad ang naturang isyu at kalampagin ang Comelec para sa kapakanan ng mga senior citizens.,

“Hindi dapat haluan ng politika ang ayuda sa senior citizens. Hindi sila dapat madamay,” ani Moreno at Lacuna. (Baby Cuevas)

Tags:

You May Also Like

Most Read