KASO NG HIV SA BANSA, TUMATAAS PA DIN

By: Jaymel Manuel

Iniulat ng Department of Health (DOH) na patuloy pa ring tumataas ang HIV infection sa bansa.

Batay sa datos mula sa HIV & AIDS and antiretroviral therapy (ART) Registry of the Philippines (HARP) ng DOH, mula 1984 hanggang Marso 2024, nakapagtala na ng 129,772 cumulative diagnosed cases ng HIV.


Sa naturang bilang, 82% ang kabilang sa males having sex with males (MSM), 2% ang people who inject drugs (PWI), 0.2% ang mga babaeng sangkot sa transactional sex, at 0.3% ang mga paslit.

Ayon sa DOH, kapansin-pansin na 89% ng mga naitalang bagong impeksiyon ay naganap sa mga MSM, na halos kalahati o 47% ay mula sa mga kabataang nagkakaedad lamang ng 15-24 years old.

Nabatid na sa National Capital Region (NCR) at Regions III, IV-A, VI, at VII matatagpuan ang 74% total cases.


Mula sa 122,255 diagnosed HIV cases na buhay pa, nasa 64% lamang o 78,633 ang kasalukuyang nasa ilalim ng antiretroviral therapy (ART).

Mula naman Enero hanggang Marso, 2024, nasa 3,410 ang newly diagnosed cases, kabilang ang 82 reported deaths.


Nitong Marso 2024 lamang umano ay mayroon nang 1,224 newly diagnosed cases at 12 reported deaths.

“Ages of newly diagnosed cases for March 2024 ranged from less than 1 to 55 years old, with a median age of 28 years. Close to half (46%) of the new cases for March 2024 were aged 25-34 years old, while almost a third (31%) were among youth aged 15-24 years old,” ayon sa DOH.


“Given current conditions, projections modeled through the AIDS Epidemic Model (AEM) and Spectrum suggest a continued rise, with HIV new infections expected to reach 36,700 by 2030, a year when supposedly the global target for ending AIDS is achieved,” ayon pa sa DOH.

“Additionally, the projected number of Filipinos living with HIV may increase significantly by 2030, from an estimated 215,400 in 2024 to 401,700, should there be no improvement in the services for HIV/AIDS prevention in general and PLHIV support in particular,” aniya.

Samantala, pinayuhan naman ni Health Secretary Ted Herbosa ang mga taong may sakit na HIV na huwag mag-atubiling humingi ng tulong para sa kanilang karamdaman.



Aniya, hanggang nitong Mayo, 2024 ay mayroong 224 treatment hubs at primary HIV care facilities sa bansa.

Kaugnay nito, nabatid na makikiisa rin sila sa buong mundo para sa pagdaraos ng International AIDS Candlelight Memorial (IACM) ngayong 2024, sa pamamagitan ng Philippine National AIDS Council (PNAC) at San Lazaro Hospital National Reference Laboratory – Sexually Transmitted Diseases (STDs) Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) Cooperative Central Laboratory (NRL-SACCL).

Nabatid na ang IACM ay isang taunang aktibidad na inoobserbahan sa buong mundo, tuwing ikatlong Linggo ng Mayo.

Layunin nitong alalahanin ang maraming buhay na nawala dahil sa AIDS, at parangalan ang mga taong tumutulong sa mga taong dinapuan ng HIV.

Ngayong taon, ang IACM, na natapat sa Mayo 19, ay may temang “Put People First: Kandila ng Pagkalinga, Liwanag ng Pag-Asa.”

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like