NAARESTO ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) nitong May 17, 2024 sa Baler, Aurora ang isang 30-anyos na lalaki na umano ay ‘National Most Wanted Person,’ dahil sa 12 counts of rape at may patong na P130, 000 sa ulo bilang reward money.
Kinilala sa ulat ng DPIOU-MPD ang naarestong ‘most wanted’ na si Christian Paul Cano Parayno, construction worker at residente ng Purok 3, Quezon St, Suclayin, Baler, Aurora.
Naaresto si Parayno matapos na makatanggap ng intelligence report si PMaj. Kevin Rey D. Bautista, Officer-in-Charge ng DPIOU-MPD mula kay PCol. Samuel B. Babonita, Chief D2/DID-MPD.
Mula sa ibinigay na detalye sa nasabing unit sa pangunguna ni PMaj. Bautista, ang grupo ay nagsagawa ng ‘manhunt operation’ na nagresulta sa pagkakaaresto ni Parayno.
Armado ang grupo ni PMaj. Bautista ng warrant of arrest na ipinalabas noong June 6, 2022 ni Hon. Zarah Sanchez Fernandez, Presiding Judge, FC, 1st Judicial Branch 15-Dagupan City, Pangasinan, nang arestuhin ang nasabing akusado. Walang inirekomendang piyansa sa nasabing kaso.
Ang nabanggit na akusado ay binasahan sa Tagalog ng kasong isinampa laban sa kanya, gayundin ng kanyang Constitutional Rights sa ilalim ng R.A. 7438 na naintidihan naman nito.