PATAY ang isang babae nang matabunan ng rumaragasang putik at bato sa paanan ng bundok, kasunod ng naganap na landslide sa bahagi ng Sitio Labangan-Hacienda, Barangay Gabon, Abucay, Bataan.
Ayon sa datos na nakalap ng Disaster Response Management Division ng DSWD FO 3, isang pamilya ang naitalang naapektuhan ng pagguho ng lupa at isa naman ang naitalang nasawi.
Kinilala ng Abucay MDRRMO at ng Bataan PNP ang nasawi na si Roselyn Dela Cruz, 27, empleyado ng Labangan Resort na sakop ng pinangyarihan ng trahedya.
Sa ulat nitong Sabado ng madaling araw, nagsimula umanong bumuhos ang malakas na pag-ulan na naging sanhi ng pagbaba, kasunod ng pagbulusok ng malakas na tubig mula sa kabundukan na dahilan ng pagbigay at pagguho ng lupa na tumabon sa kinaroroonan ng biktimang si Dela Cruz.
Itinatayang naganap ang paghagupit ng aksidente sa pagitan ng alas- 5 at alas- 6 ng umaga, ayon sa lokal na pamahalaan.
Nakaligtas naman ang tatlong anak ng biktima dahil naisipang makitulog sa bahay ng kanilang lolo at lola na hindi kalayuan sa lugar.
Dalawang sasakyan ang iniulat din na natabunan ng putik galing ng bundok.
Mismong grupo ng lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Mayor Ruben Tagle at Vice-Mayor Roberto Pabustan ang naglatag ng search and rescue operation kasama ang grupo ng PNP, MBDA, Bataan Medic Team at iba pa.
Tiniyak din ni DSWD Secretary Erwin Tulfo na agad mahahatiran ng relief goods ng DSWD ang mga apektadong residente ng landslide sa Abucay, Bataan.
Agad namang na-activate ang Rapid Deployment Team upang i-monitor ang nasabing insidente. (VICTOR BALDEMOR)