PERSONAL na pinangunahan ni Mayor Honey Lacuna ang pagkakaloob ng tulong-pinansiuyal sa mahigit 1,000 pamilya na nawalan ng tirahan dahil sa mga naganap na sunog kamakailan sa lungsod ng Maynila.
Kasama ni Lacuna sina Vice Mayor Yul Servo at Manila department of social welfare chief Re Fugoso,sa pamamahagi ng tig-P10,000 kada pamilyang nawalan ng tirahan sa sunog.
Ayon kay Fugoso, ang mga nabigyan ng tulong ay may kabuuang bilang na 1,190 pamilya na pawang nawalan ng bahay sa 18 sunog na naganap sa iba’t-ibang barangay sa anim na distrito ng Maynila. Ang pinakamaraming bilang ng mga pamilyang nawalan ng tirahan ay umabot sa 676 at ito ay nagmula sa Barangay 20 sa District 1, bunga ng sunog na naganap noong April 10 lamang.
Binigyang-diin ng alkalde na bagamat maliit lamang ang halaga ng ayuda, ito umano ang maliit na kaparaanan ng pamahalaabng-lungsod upang ipadama sa mga nasunugan na ang kanilang gobyerno ay nasa kanilang tabi upang dumamay at matulungan silang makapagsimulang muli, kahit paano.
Kaugnay niyan ay muling nanawagan din si Lacuna sa mga nasunugan na mag-ingat nang todo lalo pa at mainit ang panahon, kasabay ng banggit sa nangyari sa mga taga-Parola na muling nasunugan sa panahong bumabangon pa lamang sila sa unang pagkakataon na sila ay nasunugan.
Inulit din ng alkalde ang paulit-ulit niyang panawagan na sa oras ng sunog o anumang kalamidad ay bigyang prayoridad ang pagliligtas ng buhay sa halip na kasangkapan o ari-arian.
Mahigpit din siyang nanawagan sa mga nasusunugan na agad i-report ang insidente sa mga awtoridad upang agad ding dumating ang tulong gaya ng mga bumbero, sa halip na mag-aksaya ng oras sa pagvi-video o pagkuha ng larawan at mag-post sa social media.
“During fire and times of other emergencies, every second counts. Kaya ‘wag po nating aksayahin sa pagkuha ng mga litrato at video para lang mai-post sa social media,” ayon kay Lacuna.