Latest News

Inihayag ni Mayor Honey Lacuna na Maynila lamang ang tanging lungsod na naging finalist sa Privacy Initiative of the Year Awards 2024. (JERRY S. TAN)

SUPORTA, PANAWAGAN NI MAYOR HONEY; MAYNILA, PASOK NA FINALIST SA PRIVACY INITIATIVE OF THE YEAR AWARDS

By: Jerry S. Tan

Buong-pagmamalaking inihayag ni Mayor Honey Lacuna na ang lungsod ng Maynila ay isa sa finalists sa Privacy Initiative of the Year Awards 2024 ng National Privacy Commission (NPC).

Napag-alaman na ang Maynila lamang ang nag-iisang government institution na nag-qualify bilang nominado sa prestihiyosong award.

Kaugnay niyan ay nanawagan si Lacuna sa lahat ng taga-Maynila na suportahan ang lungsod sa pamamagitan ng pag-like at pag-share sa sumusunod na video: https://www.facebook.com/share/v/kXnSfQs68SxrP6WX/?mibextid=w8EBqM&startTimeMs=27000


Sa nasabing video, ipinahayag ni Lacuna na “in a rapidly evolving digital age, data privacy has become paramount.”

Doon ay tiniyak din ng alkalde na bilang punong ehekutibo ng lungsod, ‘it is my duty to ensure that your personal info is safeguarded at all costs.’


Sinabi naman ng NPC na ang Facebook engagement ay isa lamang aspeto ng criteria at hindi ito ang solong basehan ng judging.

Matatandaan na noong isang buwan lamang, ang pamahalaang-lungsod ng Maynila ay nakakuha ng Seal of Registration mula sa NPC bilang patunay na ang lungsod ay nangangalaga ng privacy rights ng mga residente nito.


Nangangahulugang ang Maynila ay nakapag-comply sa registration requirements ng Data Privacy Act of 2012, gayundin sa Implementing Rules and Regulations at mga kailangan nito.

Alinsunod sa nasabing Act, sinabi ni Lacuna na ang city government ay idi-display ang Seal of Registration sa main entrance ng City Hall at iba pang kitang-kitang lugar para makita ng lahat ng nakikipag-transact sa City Hall.

“We would like to assure our residents and stakeholders that the city of Manila is fully compliant and committed to safeguarding their rights to privacy and data protection,” ani Lacuna.

Inatasan na rin ng alkalde ang hepe ng data privacy office na si Atty. Ava Sicangco at pati na ang electronics data processing chief na si Fortune Palileo na i-display din ang city of Manila’s Seal of Registration sa online platforms ng lungsod na binibisita rin ng mga residente.

Aniya, ang nasabing seal ay nagpapatunay na sa Maynila, ang proteksyon ay para sa lahat ng personal information na kinokolekta at pinoproseso ng city government sa lahat ng klase, websites at online services dahil nakikipagtransaksyon ito sa mga tao sa araw-araw maging face-to-face o online.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read