Nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na maging malinis habang pinasasalamatan ang DPS personnel at ang pribadong kompanya na nagbigay ng mga karitong panghakot ng basura sa flagraising ceremony kahapon. (JERRY S. TAN)

“Isapuso ang kasabihang ‘cleanliness is next to godliness’

By: Jerry S. Tan

Ito ang naging mahigpit napanawagan ni Mayor Honey Lacuna sa lahat ng residente ng Maynila, kasabay ng panghihikayat niya sa lahat ng mga magulang ang paaralan na itanim sa isipan ng mga kabataan ang nasabing kasabihan, upang maging bahagi na ito ng kanilang pag-uugali hanggang sa sila ay tumanda na.

Ginawa ng alkalde ang panawagan matapos niyang papurihan ang mga kawani ng department of public services (DPS) sa pamumuno ni Kyle Nicole Amurao na aniya ay magdamag ang pagtatrabaho upang mapanatili ang kalinisan ng buong lungsod.


Unang kinilala ni Lacuna ang mga tinatawag na ‘power sweepers’ na nagpapanatili ng kalinisan ng mga kalye at sumunod ay ang mga ‘estero rangers’ at ‘Baseco Beach warriors’ na siya namang nagpapanatili ng kalinisan ng tubig sa Manila Bay at Baseco.

Pinagsabihan na din umano ang mga vendors sa Divisoria na isako ang mga gulay na nahuhulog sa kalye at liniisin ang nasasakupan nilang paligid upang hindi mahirap para sa mga kawani ng DPS personnel ang pagkolekta araw-araw ng kanilang mga basura.

Sa arawang pagkolekta naman ng DPS mula sa katubigan ng Manila Bay ay sinabi ni Lacuna na: “Nakakalungkot dahil pawang basurang nanggagaling sa mga tahanan ng ating mga kababayan ang nakukuha nila. Marapat lang na ipaalala natin sa mga Manilenyo ang wastong pagtatapon ng basura.”


“Land water and air ang sakop ng DPS. Hindi birong gawain kaya saludo ako sa dedikasyon n’yo mga taga-DPS. May clearing operations pa. Nakakapagod pero ganyan po talaga trabaho natin sa pamahalaan. Kailangan po dedikasyon at pagmamahal sa tungkulin,” aniya.

Ayon sa lady mayor, ang Maynila ang ‘most densely-populated city’ sa mundo at dahil dito ay napakalaki din ng volume ng basura ang nakukuha dito.


Dahil diyan ay nanawagan si Lacuna sa lahat ng Manileño na isapuso ang matandang kasabihan na “cleanliness is next to godliness” upang mapanatili ang kalinisan sa lungsod sa lahat ng oras.

“Dapat mga bata pa lamang sa paaralan, maituro ito. Sa ibang bansa, ‘yun ang unang itinuturo, ‘yung paglilinis ng kapaligiran higit pa sa mga academics. Isang paraan para madisiplina tayong lahat sa murang edad na bitbitbitin natin hanggang sa tayo ay tumanda,” ani Lacuna.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Latest News