Latest News

AYUDA NG PPA SA TOURISM INDUSTRY

By: Victor Baldemor Ruiz

PAKAY ngayon ng pamunuan ng Philippine Ports Authority na matulungan ng todo ang Department of Tourism na makamit ang kanilang 12 million tourist arrival target para sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ang dahilan kaya inapura ngayon ng PPA ang kanilang mga proyekto na may kaugnayan sa pagsasaayos at modernisasyon ng kanilang mga pantalan.

Ayon kay Atty. Jay Santiago, General Manager ng PPA, layon nito na mas mabilis na ma-accommodate ang mga dayuhang turista gamit ang mga cruise ship habang gagawin namang moderno at pang-world class ang mga pasilidad sa bawat pantalan.


Paliwanag ni Atty. Jay Santiago, bukod sa mga paliparan, kinakailangang magbukas ng karagdagang access points ang Pilipinas para sa mga dayuhang turista upang maabot ang target ng DOT.

Plano ng PPA na maging maayos ang travel experience ng mga foreign nationals kung saan bubuksan ang kauna-unahang cruise terminal sa Siargao sa darating na Oktubre.

Kabilang pa sa mga planong pagtayuan ng nasabing cruise terminal ang Coron, Palawan; Boracay; Bohol; at Camiguin habang aayusin at pagagandahin naman ang iba pang mga terminal tulad ng Currimao Port sa Ilocos Norte at Salomague Port sa Ilocos Sur.

Sa kasalukuyan ay may 30 bagong seaport projects ang gobyerno kung saan, 17 dito ay nasa Luzon; 4 sa Visayas; habang ang iba naman ay inilagay sa Mindanao na bahagi ng “Build, Build, More” program ng pamahalaan.


Inaasahang matatapos ng Philippine Ports Authority ang 30 port projects mula sa simula ng administrasyong Marcos noong nakaraang taon hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.

Sa isang pahayag, sinabi ng PPA na 11 sa mga proyekto ang natapos noong 2022, anim ang natapos nang mas maaga sa taong ito, at 13 mga proyekto ang nagpapatuloy.

Ilan sa mga proyektong ito ay ang pagtatayo ng isang port operational area sa Port of Abra de Ilog sa Mindoro, isang bagong breakwater sa Port of Nasugbu sa Batangas, ang rehabilitasyon ng kasalukuyang reinforced concrete wharf sa Port of terminal 1 and 2 sa Port of Calapan, at isang bagong berthing facility sa Ozamiz Port.

Ang iba pang proyekto sa top 10 ay kinabibilangan ng extension ng Wharf at reclamation ng back-up area sa Port of Iligan sa Lanao del Norte.


Gayundin ang construction ng back up area at port of Coron sa Palawan, expansion ng back up area na may roro ramp sa Port of Lipata sa Surigao del Norte, at ang pagtatayo ng Port Operational area sa Port of Calapan sa Oriental Mindoro.

Tags:

You May Also Like

Most Read