Ipinag-utos muli ni Mayor Honey Lacuna ang suspensiyon ng mga klase sa Maynila mula Abril 25 hanggang 26.
Ito ay matapos na ulat ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na papalo sa 44°C ang heat index level sa lungsod sa mga susunod na araw.
Ani Lacuna, lubhang mapanganib sa kalusugan ang nasabing sobrang init ng panahon na inaasahan sa mga darating na araw, kung kaya’t iniutos niya ang pansamantalang pagsuspindi ng face-to-face classes.
“This is due to the forecast danger heat index level of 44°C according to the Manila Disaster Risk Reduction Management Office,” ani Lacuna.
Pinayuhan ng alkalde ang mga nagpapatakbo ng paaralan na magpatupad ng ” asynchronous classes.”
Ang suspensiyon ay sumasakop sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan na nasa lungsod ng Maynila.
Nitong Abril 23 ay sinuspindi na din ni Lacuna ang face-to-face classes dahil sa inaasahang aabot sa 43 degrees Celsius ang init ng panahon.