Latest News

50,000 -100,000 aktibong COVID cases sa Pinas, posibleng mangyari sa mga susunod na buwan — OCTA

NAGBABALA ang independent monitoring group na OCTA Research Group nitong Lunes na posibleng magkaroon muli nang pagtaas ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga susunod na buwan, na maaaring umabot ng mula 50,000 hanggang 100,000, kagaya nang nagaganap ngayon sa mga bansang South Africa at India.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na minumonitor nila ang sitwasyon ng COVID-19 sa ibang bansa at nakitaan nila ang South Africa ng pagtaas ng aktibong kaso ng mula 1,000 lamang ay naging 4,000 sa loob ng isang linggo habang sa Delhi, India naman aniya, ang dating 100 kaso lamang ay naging 1,000 na.

Ayon kay David, nakakabahala ito dahil ang sitwasyon ng Pilipinas ay sumusunod sa sitwasyon ng mga naturang bansa.

“Bakit concerning ito? Kasi ‘yung situation sa atin, medyo sumusunod tayo sa situation ng a few countries like South Africa, India, and Indonesia,” aniya pa.

“Dahil sa pagtaas ng kaso sa South Africa at India, I think it is very likely na makakakita tayo ng pagtaas ng bilang kaso sa Pilipinas sometime in the near future. Hindi ko masasabi kung kailan ‘yan, kung sa May or sa June, pero dahil nakikita na natin ito sa South Africa at sa India, it is likely na mangyayari dito,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni David na ang sanhi nang pagtaas ng COVID-19 cases sa South Africa ay ang dalawang bagong sub-variants ng highly transmissible na Omicron variant na BA.4 at BA.5 habang sa India naman ay kumakalat ang bagong Omicron sublineage na BA 2.12.

Una naman nang sinabi ng Department of Health (DOH) na ang BA.4 at BA.5 ay hindi pa dapat maging sanhi nang pagkabahala sa ngayon sa bansa.

Muli rin namang hinikayat ng DOH ang publiko na ipagpatuloy ang istriktong pagtalima sa COVID-19 health protocols dahil sa napapaulat na pagkalat ng BA 2.12 at BA 2.12.1 variants sa Estados Unidos.

Babala ng DOH, ang naturang variants ay 2.5 ulit na mas nakakahawa ngunit hindi naman mas malala.

Binigyang-diin naman ni David na ang initial projection ng OCTA na 50,000 hanggang 100,000 active cases ay mas mababa pa sa projection ng DOH dahil gumagamit sila ng magkaibang modelo.

Matatandaang sinabi na rin ng DOH na kapag nagkaroon ng 50% pagbaba sa compliance ng mga mamamayan sa minimum public health standards (MPHS) sa National Capital Region, ay maaaring magresulta ito sa 25,000 hanggang 60,000 bagong COVID-19 cases kada araw pagsapit ng kalagitnaan ng Mayo.

Ang 20% decrease naman anila sa MPHS sa buong bansa ay maaaring magresulta sa 34,788 active COVID-19 cases at ang 30% decrease naman sa MPHS compliance ay posibleng magresulta sa pagtaas pa ng mga aktibong kaso ng hanggang 300,000.

Nitong Linggo, iniulat ng DOH na nakapagtala sila ng 205 bagong COVID-19 infections sa bansa habang ang aktibong kaso naman ay bumaba na sa 13,660.

Ang nationwide COVID-19 tally ay nasa 3,684,500 na sa ngayon. (Philip Reyes)

Tags:

You May Also Like

Most Read