Magkakaloob ng libreng ECG ang Manila Health Department (MHD) para sa mga empleyado ng Manila City Hall.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang libreng ECG ay ipagkakaloob sa ilalim ng pangangasiwa ni MHD Director Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, bilang handog sa selebrasyon ng Valentine’s day sa mga City Hall-based employees at bilang pasasalamat na rin sa pagtulong sa pagpapatupad niya ng mga programa para sa mga residente ng lungsod.
“Sa pagdiriwang ng buwan ng mga puso ay hatid namin sa inyo ng “Kalinga Sa Maynila” ang libreng ECG,” ani Lacuna.
Naniniwala si Lacuna na ang malusog na workforce ay magreresulta sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mamamayan ng Maynila.
Ang mga kuwalipikado sa libreng ECG ay mga empleyado na nasa edad 40 pataas at partikular umanong iniimbitahan ang mga may comorbity gaya ng diabetes at high blood o dumanas ng heart attack o stroke.
Sinabi ni Lacuna na 100 kada araw na empleyado ang maaring makakuha ng libreng ECG mula Pebrero 14 hanggang 17.
<span;>Maaring magtungo sa City Government Employees Clinic (CGEC) ang mga empleyado na intresado na makakuha ng libreng ECG, aniya. (JERRY S. TAN)