Latest News

Mayor Honey Lacuna with PESO chief Fernan Bermejo, visiting one of the many job fairs being held by the city government. (JERRY S. TAN)

LABOR DAY SA MAYNILA, IPAGDIRIWANG SA PAMAMAGITAN NG MALAKIHANG JOB FAIR

By: Jerry S. Tan

INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na ang Labor Day celebration sa Maynila ay katatampukan ng isang malakihang job fair na magbibigay ng libo-libong trabaho para sa mga walang hanapbuhay sa ngayon.

Ayon sa alkalde, ang ‘2024 LABOR DAY JOB FAIR’ ay gaganapin sa May 1, 2024 (Miyerkules) mula 9 a.m. hanggang 3 p.m. sa San Andres Sports Complex, Malate, Manila.

Lalahukan umano ito ng 65 local employers at umaabot sa 9,000 job vacancies ang naghihintay para sa mga taga-Maynila na naghahanap ng trabaho.


Magkakaroon din umano ng ‘KADIWA ng Pangulo,’ TESDA Skills Demonstration at paglalagay ng one-stop-shop para makatulong sa mga dokumentong kakailanganin ng mga aplikante gaya ng mga papeles mula sa SSS, Pag-Ibig, PhilHealth, BIR, Manila Police District, NBI, OWWA, DTI, PSA at iba pa.

Ang naturang job fair ay pangungunahan ng Manila Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Fernan Bermejo, sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment – National Capital Region.

Pinayuhan ni Bermejo ang mga aplikante na magdala ng 10 kopya ng resume/biodata, sariling ballpen, inumin at pamaypay upang pananggalang sa init.

Sa kanyang banda, sinabi ni Lacuna na ang mga aplikante ay dapat ding siguraduhin na nakahanda sila at nakakain na bago magpunta sa job fair upang makasagot nang magaling sa interview.


Tags:

You May Also Like

Most Read