TINALO ni John Riel Casimero ang kalabang Namibian na si Filipus Nghitumbwa sa unanimous decision para makuha ang World Boxing Organization (WBO) global super bantamweight title sa idinaos na laban sa Okada Manila Grand Ballroom sa Parañaque City noong Sabado.
Pinatumba ni Casimero si Nghitumbwa sa ikaanim na round, na kalaunan ay nagtakda ng tono para sa 122-pound na labanan.
Ibinawas din ng mga hurado ang isang puntos kay Nghitumbwa sa ika-12 round dahil sa pagtama ni Casimero sa likod ng ulo.
Dalawang hurado ang nakakuha ng 116-110 habang ang isa ay umiskor ng 114-112, lahat pabor kay Casimero, na nanalo sa kanyang unang laban mula noong 2019.
Umangat si Casimero sa 33-4 win-loss (22 by knockout) habang bumagsak si Nghitumbwa sa 12-2.
Isang hakbang na lang ang lapit ng Pinoy sa pakikituos kay WBO super bantamweight champion Stephen Fulton Jr. ng United States.
Sa supporting bout, nabigo si Weljon Mindoro na makuha ang WBO Asia-Pacific junior middleweight title mula sa Japanese champ na si Takeshi Inoue.
Naging split decision ang laban kung saan ang isang hurado ay umiskor ng 117-111 para kay Inoue, isa pang nakapuntos ng 115-113 para sa Mindoro, at ang pangatlong judge ay nasa 114-114.
Nanatiling undefeated si Mindoro sa 10-0-1 (10 KOs), habang si Inoue ay may 19-2-1 record (11 KOs).
Nanalo naman si Arnel Baconaje sa pamamagitan ng unanimous decision laban kay Jhon Gemino (117-111, 116-112, 116-112) para makuha ang Philippine super featherweight title.
Itinaas niya ang kanyang record sa 16-7 (8 KOs) habang si Gemino ay may 23-17 (13 KOs).