Maliban sa ilang pagpapahusay para sa floor exercise, hindi nakikita ni Carlos Yulo ang pangangailangan para sa isang matinding pag-upgrade sa iba pa niyang routines.
Sa interview kay Yulo sa inagurasyon ng bagong Gymnastics Association of the Philippines (GAP) grassroots gym sa Rizal Memorial Sports Complex, sinabi niyang kailangan na lamang niyang pagbutuhin ang kanyang floor routine.
“Sa palagay ko magiging magaling ako sa iba ko pang events,” dagdag niya.
Kasalukuyang nagpapahinga si Yulo bago muling sumabak sa huling leg ng International Gymnastics Federation (FIG) Artistic Gymnastics World Cup Series na nagpapatuloy sa Cairo, Egypt susunod na buwan.
Nagtamo si Yulo ang dalawang gintong medalya sa vault at parallel bars sa nakaraang leg ng World Cup sa Baku, Azerbaijan noong nakaraang linggo.
Noong nakalipas na dalawang linggo, pinangunahan ni Yulo ang floor exercise sa Doha, Qatar bukod sa pagkuha ng silver medal sa parallel bars at isang bronze sa vault.
“Hindi maganda ang umpisa para sa akin, pero nakabawi ako sa mga sumunod na legs,”pahayag ng 23-anyos Japan-based na gymnast.
Siya rin ang 2021 world champion sa Feb. 23-26 kick-off leg sa Cottbus, Germany.
Nag-uwi siya ng bronze mula sa parallel bar sa Germany leg, habang ang paborito ng tournament na si Illia Kovtun ng Ukraine at si Matteo Levantesi ng Italy ang nagtamo ng una at pagalawang puwesto.
Ang serye ng medalyang nahakot ni Yulo sa parallel bar sa tatlong world cup legs ay nagbigay sa kanya ng “sure apperance” sa 2023 FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Antwerp, Belgium mula Setyembre 30 hanggang Okt. 8.
“So far, healthy naman ako. Walang pahinga sa akin kahit dito sa Maynila. Continuous training hanggang sa World Cup sa Cairo,’’ kuwento ni Yulo, na lilipad pabalik ng Japan sa March 27 kasama si coach Munehiro Kugimiya.
Dumalo sina Yulo at Kugimiya sa launching ng bagong training center para sa grassroots gymnastics kung saan ang gobyerno ng Japan ay nag-donate ng $133,835 (o humigit-kumulang P7 milyon) para maglagay ng top-of-the-line na kagamitan.