BINATI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Filipina race car driver na si Bianca Bustamante para sa kanyang unang panalo sa inaugural all-female Formula 1 (F1) Academy na ginanap sa Valencia, Spain.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pambansang awit ng Pilipinas ay tinugtog dahil si Bustamante ang naging unang Pinay na nanalo sa isang karera sa F1 academy.
“We are filled with pride upon hearing the Philippine national anthem played on the F1 stage for the very first time!” pahayag ng Pangulo.
“Congratulations to Ms. Bianca Bustamante on her historic win at the Valencia leg!” dagdag pa ni Marcos.
Hinikayat din ng Pangulo ang 18-anyos na race star na ipagpatuloy ang pagbibigay inspirasyon sa mga kabataang babae sa buong mundo.
Si Bustamante, na lumagda sa koponan ng Italyano na PREMA Racing ay nakuha ang kanyang panalo sa Race 2 sa oras na 18:49.969, higit sa kalahating segundo na mas mabilis kaysa kay Lena Bühler ng ART Grand Prix.
Ang susunod na karera ni Bustamante ay gaganapin sa Barcelona, Spain mula Mayo 19 hanggang 21.