NAGPAHAYAG ang pamunuan ng Philippine Basketball Association(PBA) na magsasagawa ng mas mahigpit na COVID-19 testing sa mga miyembro ng lahat mga koponan sa muling pagsisimula ng 2021-2022 Governors’ Cup sa Pebrero 11 sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon sa PBA official website, lahat ng miyembro ng koponan na kasali sa Governors’ Cup ay isasailalim sa antigen testing bago mag-umpisa ang mga practice.
Ito ay bukod pa sa kada linggo sa RT-PCR testing tuwing Lunes at antigen test sa bawat laro ng bawat koponan.
“Safety of everyone is primordial, and that won’t change. We hope we won’t have any stoppages to our schedule,” ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial.
“And that would be a great success for everyone hopefully with great games that will be our offer and treat to the fans,” dagdag pa niya
Pinayagan ng PBA ang fans na manood sa Big Dome noong Disyembre kung kailan bumaba ang kaso ng COVID-19 sa 100 subalit kinailangan na ihinto ang mga laro noong Enero ng taong kasalukuyan nang sumipa ang bilang nga mga bagong kaso ng COVID dulot ng Omicron variant at isinailalim ng pamahalaan ang Metro Manila sa Alert Level 3. (SS)