NAKUHA ng Pencak Silat athlete na si Francine Padios ng unang ginto para sa Pilipinas sa idinaraos na 31st Southeast Asian Games sa Bac Tu Liem Gymnasium sa Vietnam.
Natalo ni Padios si Indonesian Puspa Arum Sari sa Pencak Silat Women’s Seni (Artistic) Tunggal single’s final.
Ang women’s Pencak Silat national athlete ang kauna-unahang gold medalist saa sports biennial meet.
Si Padios, na naging runner-up sa 2019 SEA Games, ay tinalo si Sari nang makakuha ang Pinay athlete ng score na 9,960, habang ang Indonesian athelete ay nagkapuntos lamang ng 9,945.
Tinalo rin ni Padios si Vuong Thi Binh ng Vietnam sa semifinals para makuha ang ginto.
Samantala, ang PH Kurash team naman ay nagwagi ng dalawang silver medals at isang bronze medal.
Si Helen Aclopen ay nakopo ang silver medal sa women’s -48kg division, na tinalo ni Trang To Thi ng host Vietnam sa siyang nag-uwi ng gold medal.
Tinalo ni Aclopen sina Khin khin Su, ng Myanmar; at si Duangdara Kumlert, ng Thailand, para makapasok sa finals.
Ang pangalawang silver para sa Pilipinas ay nasungkit ni Charmea Quelino sa women’s -52kg division, habang si George Baclagan ay nagkakuha ng bronze medal.
Si Baclagan, na nag-represent sa Pilipinas sa -90kg category, ay natalo ni Vietnamese Duy Thanh Le. Nauna na niyang natalo si Malaysian Mohamed Izzat Mohamed Noor pero natalo naman siya ni Thuong Tran Vietnam.
Ang Pilipinas ay overall 2019 SEA Games champion. (SST)