MATAPOS ang pagpupulong ng investigation committee, pinatawan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ng indefinite ban bunsod ng kontrobersyal na manlalaro ng Jose Rizal University na si John Amores.
Ayon kay Fr. Vic Calvo, OP ng Letran, inanunsyo ang desisyon noong Huwebes sa halftime break ng laro ng San Beda-Lyceum sa Filoil Ecooil Center.
Base sa ulat ng komite, maraming nilabag si Amores tulad ng pagturo ng daliri sa isang referee, pagwawalang-bahala sa kinatawan ng ManCom at mga opisyal ng korte, pagsugod sa bench ng CSB na nagpalaki ng away, paggawa ng provacative gestures na humantong sa away, at panununtok sa apat na manlalaro ng CSB.
Samantala, si Ladis Lepalam ng College of Saint Benilde kasama ang mga player n g JRU na sina Jason Tan, Joshua Guiab, William Sy, Jason Celis, Marwin Dionisio, John Mark Abauag, Jonathan Medina, Karl De Jesus, at CJ Gonzales ay binigyan ng one-game suspension dahil sa pagpasok sa playing court nang hindi kinikilala ng mga opisyal ng NCAA.
Sina Mark Sangco at Chris Flores ng Blazers naman ay binigyan ng dalawang larong suspensiyon dahil sa suntukan.
Binigyan din ng two-game ban si William Sy — dahilan para umabot sa tatlong laro ang kanyang suspension — at si Ryan Arenal dahil hindi paggalang sa mga kinatawan ng ManCom habang pinipigilan ang away sa dalawang grupo.
Dahil dito, kakailanganing i-forfeit ng JRU ang kanilang laro sa Biyernes dahil magkakaroon sila ng mas mababa sa minimum na bilang ng pinapayagang manlalaro.
Maaari pa ring iapela ng JRU at CSB ang desisyon ng komite.