PINAGMULTA ng Philippine Basketball Association (PBA) ang TNT coach na si Chot Reyes ng P50,000 matapos ang kanyang “post-game actions” sa pagkatalo ng kanyang team sa koponan ng Magnolia sa idinaraos na PBA Commissioner’s Cup.
Matatandaang agad nagtungo si Reyes sa officials’ table matapos tumunog ang final buzzer para komprontahin ang officials tungkol sa umano ay late foul call kay Calvin Oftana na nagresulta ng “winning free throws” ni Paul Lee .
Ayobn sa PBA, ang ginawa ni Reyes ay paglabag umano sa league rule kung saan nakasaad na “no member of any team may approach the commissioner’s row (now the technical group table) or talk to the supervisor of officials (unless otherwise requested) before, during, or after a game in full public view.”
Ang paglabag sa naturang rule ay multang P20,000.
Subalit kahit pa naawat na si Reyes, galit pa rin umano nitong pinagsalitaan ang game officials, na isa na ulit violation dahil ayon sa PBA, ito ay maituturing na “incessantly shouting invectives/profanities at game officials.”
Kaya naman nagdagdagan ang kanyang multa na umabot na sa P50,000.
Nilisan ni Reyes ang Smart Araneta Coliseum sa Quezon City na galit na galit kung bakit tinawagan ng foul ng referee si Oftana.
Sa reply ng video replay na ipinakita ng PBA noon ding araw na iyon, nakumpirma na may foul nga si Oftana at tama lamang ang tawag ng referee.
Hindi rin nakaligtas si Tropang Giga team manager Jojo Lastimosa sa multang P20,000 dahil sumama siya kay Reyes na nagpunta sa officials’ table.