NI BETH GELENA
MARAMI ang nagsasabing ginagaya umano ni Seth Fedelin si Daniel Padilla.
Hindi naman against ang young actor kung iyon ang komento ng netizens pero inamin ni Seth na: “Minsan gusto ko na silang sagutin.”
Lalo na daw yung ang mga nagsasabing ginagaya niya talaga ang aktor.
Flattered naman daw siyang mabansagang “Daniel Padilla Junior,” pero malaki pa rin daw ang pagkakaiba nilang dalawa.
Sa interview sa kanya ni Ogie Diaz, sinabi niyang: “Happy po ako na nako-compliment ako ng maganda. Pero ‘yung iba, sinasabi na ginagaya ko daw. Na pati ‘yung sapatos niya ginagaya ko rin daw, eh, mahilig ako sa ganu’ng sapatos, eh, si DJ mahilig din sa sapatos na ganu’n.”
“Eh sa ‘kin naman minsan gusto ko silang sagutin. Siya lang ba pwedeng magsuot ng ganu’n? Siya lang ba pwede gumawa ng ganu’n?” dagdag pa ng batang aktor.
Muling igiiit ni Seth na hindi raw niya ginagaya ang kapwa aktor at malaki raw ang pagkakaiba nila.
“Pero alam ko sa sarili ko na hindi ko siya ginagaya. ‘Pag nasa loob ako ng bahay, ‘pag nagba-vlog ako, ito ako. ‘Pag kausap ko ang mga tao, ito ako.”
“Actually nga ‘pag tumayo si Kuya DJ napaka-manly niya po tingnan. At ako po hindi gano’n, mukha po akong totoy promise.”
Aminado si Seth na nakakaramdam siya ng pagkainis dahil dito, pero pinasasalamatan din naman niya ang mga taong nakaka-appreciate sa kung ano ang nakikita ng mga ito sa kanya.
“Hindi ako nahu-hurt. Naiinis lang… Ang dami nilang sinasabi. Kasalanan ko po ba na nakikita n’yo siya sa akin? Siguro po hindi ko po kasalanan. Maraming salamat po sa ibang nakaka-appreciate. Maraming salamat po sa nagko-compliment,” ayon pa kay Seth.
May nagkomento namang netizens: “Feeling sikat na si Seth, huh… . Nayayabangan ako sa sagot niya. Dapat nga ma-appreciate niya na kinukumpara siya sa sikat na aktor at hindi sa kung sino lang diyan.”
“Aba hindi pa naman niya narating ang tagumpay na nakamit ni DJ… feeling niya sikat na sikat na siya.”
Mag nasabi pang pasalamat nga raw ang young actor dahil napapansin siya at the expense of Daniel Padilla.
Si Seth ay produkto ng reality show na Pinoy Big Brother.