NI WALLY PERALTA
KUNG gaano katagal na may pandemic sa bansa, ganun na rin katagal “nanahimik” ang showbiz career ni Ryza Cenon.
Kapanabayan din ito halos ng pagsilang niya ng panganay na anak na ngayon ay isang taon at kalahati na ang edad.
Isang pelikula ang magsisilbing comebacking project ni Ryza, ang “Rooftop” ng Viva Films. Ang “Rooftop” ay kuwento ng magkakaeskwela na nasa kanilang summer break na pinangungunahan nina Ryza Cenon, Marco Gumabao, Ella Cruz, Marco Gallo, Rhen Escaño at Andrew Muhlach, na nagsama-sama para sa isang sikretong party sa rooftop ng campus.
Inimbitahan din ng barkadahan si Epy Quizon, na gumanap na janitor sa pelikula.
Nagsimula ang thrill ng istorya nang mahulog mula sa hagdanan si Epy na naging sanhi ng kamatayan nito.
Suspense din maituturing ni Ryza ang nalalapit na paglalabas ng kanyang pelikula dahilan ito ang kauna-unahang Pinoy movie na ipapalabas sa mga sinehan, na nag-umpisa noong April 27, after ng last Metro Manila Film Festival.
“Nakaka-pressure. Kinakabahan ako kasi kami ang unang ire-release sa mga sinehan after a long time.
“We know people are still scared to go to cinemas, kasi kulob siya, pero sana suportahan pa rin nila ang aming movie.
“Siyempre iba pa rin yung experience watching a movie on the big screen, lalo na kung horror film like this, mas nakaka-excite.
“After all, they go na naman to the malls na laging puno ng mga tao sa ngayon. So manood na kayo ng ‘Rooftop’ and we assure you it’s gonna be worth it,” sabi ni Ryza.