Pokwang umiiyak na ibinulgar bakit nakipaghiwalay kay Lee O’Brian

SA wakas ay ipinagtapat na ni Pokwang ang tunay na dahilan kung bakit niya tinapos ang relasyon nila ni Lee O’Brian.

Isang umiiyak na Pokwang ang humarap sa interview ni King of Talk Boy Abunda at tahasang inamin na tungkol sa kanilang food business venture ang naging mitsa ng hindi magandang relasyon nila ni O’Brian


Sinabi rin ni Pokwang na nagagalit umano si O’Brian kapag tinatanong siya ukol sa kanilang food business.

Iginiit ni Pokwang na dahil siya ang nag-finance ng naturang negosyo, may karapatan siyang magtanong kung ano na ang estado nito.

Ani Pokwang: “Karapatan ko bilang iyong business partner na malaman, ‘Ano tayo? Nasaan tayo? Ano ang nangyayari?’ Ina-update ko lang sa kanya ‘yun, feeling ko, karapatan ko ‘yun. ‘Yung dumating agad sa kanya… hindi niya nagustuhan.”


“Halos isang taon na akong walang narinig… Normal naman ‘yun, e. ‘Last month, ito ang gastos namin. ‘Yun lang naman ang hinihiling ko. ‘Yun lang. Hindi niya nagustuhan. Parang ang dating, hinuhusgahan ko siya agad. Parang inalis niya ang karapatan kong malaman,” paliwanag ng komedyana.

At ito rin daw ang dahilan kung bakit sila nagpasya na wakasan ang kanilang relasyon.


Inamin din ni Pokwang na umaasa siyang maaayos pa rin ni O’Brian ang kanilang relasyon dahil bilang ina, gusto niyang magkaroon ng kumpletong pamilya ang kanyang anak na si Malia.

Sinabi rin niyang ito rin ang dahilan kung bakit siya nagsisinungaling sa mga interview kapag tinatanong kung ano ang tunay na dahilan ng kaning paghihiwalay,


“Bilang isang ina, umaasa ako na maaayos pa kami. Kahit ang sakit-sakit na sa akin. Kailangan ka magsinungaling kasi umaasa ako na aayusin pa niya. Magkakaayos pa kami.

“Oo naghiwalay kami pero marami akong binigay na chance. Marami akong signal na binigay sa kanya na ‘please, ayusin mo naman ito para kay Malia,” pahayag ni Pokwang.

Dagdag pa niya, hindi na sila nag-uusap bago pa man niya ito kinumpronta tungkol sa estado ng kanilang negosyo.



“Parang nawala na ‘yung respeto. Bago pa mangyari ‘yung confrontation sa negosyo, ‘di na kami nag-uusap. We don’t exist to each other. Nagsasalubong kami sa hagdan, parang wala. Parang nabalewala ‘yung mga sinacrifice ko,” aniya.

Sinabi rin ni Pokwang na naging “palamunin” niya noon si Lee O’Brian at sa ngayon ay wala na siyang kabalak-balak na makipagbalikan dito.

“Feeling ko hindi niya ako minahal talaga. Feeling ko nagkaanak lang kami pero dahil nandiyan na ‘yan (Malia),” katwiran niya.

Naghiwalay sina Pokwang at O’Brien noong November 2021 at madalas niyang sabihin noon sa mga interview na naghiwalay sila nang maayos.

Napansin ng netizens na may lamat na ang samahan ng dalawa nang pinalitan ni Pokwang ang brand name ng kanilang food business na dating “Pok-Lee” ng “Mamang Pokwang.”

Tags: Pokwang

You May Also Like