NI BETH GELENA
NAG-CELEBRATE ng kanyang kaarawan last October 27 ang butihing mayor ng San Pablo City na si Mayor Vicente Amante.
Kaya naman bilang regalo ng First Lady ng lungsod na si Mayora Gem Castillo ay isang “maningning” na proyekto para sa mga taga-San Pablo.
Malamang ay isabay sa kanyang kaarawan sa November 9 ang proyekto ng former actress-singer, ang isang early Christmas Lighting para sa darating na Kapaskuhan sa kanilang mga kababayan.
Ang maagang pailaw ng “christmas decorations and lights” ay magmumula sa kahabaan ng national road ng Rizal Avenue, San Pablo City Plaza, Balagtas Blvd., City Hall Compound, Sampaloc Lake hanggang Doña Leonila Urban Park.
Mula mismo sa sariling bulsa ni Mayora Gem ang Christmas Lighting project na ito para sa ikaliliwanag at ikagaganda ng kanilang lugar.
Kaya nga nabansagan siyang “Dukot-Bulsa.Queen,” as in super abono at galing mismo sa sarili niyang bulsa ang kanyang projects para sa lungsod.
This year ang tema ng christmas decor ni Mayora Gem ay may kaugnayan sa Peacock.
“Ang peacock kasi ay simbolo ng re-growth and rejuvenation, royalty, respect, honor, and integrity. Pwede rin silang maging simbolo ng beauty, love, and passion. These birds are known to be sacred and worshipped alongside their deities,” paliwanag ni Mayora Gem.
Samantala, magkakaroon din ng concert ang former That’s Entertainment na pa-birthday niya sa sarili.
Wala pang detalye kung saan at kailan ito gaganapin, pero ina-assure ni Gem na tuloy ang kanyang concert.
Matagal daw niyang pinag-isipan ang muling makita ang sarili na nasa stage at nagpe-perform.
Birthday gift na rin daw niya sa sarili ang gagawing concert.
Besides, na-miss na rin daw kasi niya ang kumanta sa harap ng maraming tao.
Sabagay, hindi naman madedehado ang mga manonood dahil ang galing kumanta ni Mayora Gem.
Natigil lang siya sa pagso-showbiz nang mag-concentrate siya sa kanyang family.
May tatlong anak sina Mayora Gem at ang butihing Mayor ng SPC sina Cassandra, Alondra at Vicente Jr.