NI BETH GELENA
GALING mismo sa ama ni Winwyn Marquez na si Joey Marquez na engaged na ang anak sa partner nito at ama ng kanyang anak.
“Nag-propose na, nagpaalam sa akin. Expected ko naman yun dahil childhood sweetheart niya, e.
“Magmula nung Grade 4, nagkalapit na yung dalawa, e. Matagal na. Medyo natigil lang kasi nagkalayo sila ng propesyon. Nagpribado ang isa, tapos nagkita uli. Best friend ni Yeoj yun, kaklase niya,” luwento ng comedian actor.
Ayon pa kay Joey, baka raw ngayong taon na magpakasal si Winwyn at ang partner nito.
Kung sobrang mapagmahal si Joey sa mga anak, lalo na sa kanyang mga apo.
Lagi nga raw niyang sinasabihan na puwede na ulit bumalik sa trabaho si Winwyn at siya na ang mag-aalaga sa apo.
“Sinasabi ko nga, magtrabaho na siya, tapos iwan na sa akin yung anak nila. Kasi, ayaw nga nila pahawak sa akin, baka itakbo ko.
“Hindi ko na sila papasukin dahil akin na yun,” pabirong sabi ng komedyante.