Ni Julie E. Bonifacio
INAMIN ni Jeric Raval na nasasaktan siya kapag tinatawag na “kabit” sa social media ang kanyang anak na si AJ Raval dahil sa pakikipag-relasyon nito kay Aljur Abrenica.
Kasal pa rin kasi si Aljur sa nakahiwalayang asawa na si Kyle Padilla.
“Masakit syempre,” pag-amin ni Jeric. “Syempre, inalagaan ko ng maayos ang anak ko. Tapos, ganoon lang. Nasasaktan din ako. Hindi naman natin maiaalis sa kanila ‘yon. ‘Pag naririnig ko ang mga ganoon, pasok na lang dito (kanang tainga), labas na d’yan (kaliwang tainga). Buti nga wala ako’ng social media, e. Wala ako’ng Facebook. Wala ako lahat. Ni Instagram, wala ako ng mga ganyan.”
Tanggap din ni Jeric na wala siya sa posisyon para magtanong kung mapapakasalan ba o hindi ni Aljur si AJ.
“Uh, hindi ko kasi parang wala ako’ng personal that para tanungin pa ang mga bagay na ganoon sa kanya. So, siguro darating din doon sa punto na’yun na, darating sa punto na ‘yun na tatanungin ko siya (Aljur) doon.”
Hindi raw kasi siya nakikialam sa lovelife ni AJ.
Knows ni Jeric kung hanggang saan lang ang saklaw niya pagdating sa lovelife ng kanyang anak.
“Kahit bawalan natin ‘yan, pag talikod mo, ‘yun ulit. E, ganoon din naman ako noong araw, e, ‘di ba? Pinagkaiba lang, lalaki ako. So, syempre anng anak ko babae mas prino-protektahan ko.”
Tiwala daw si Jeric sa mga desisyon ni AJ sa buhay. Lumaki raw kasi si AJ na may disiplina.
“Lumaki naman ‘yun sa, pinalaki ng maayos ng misis ko si Holiday. Although, hindi ‘yun talaga ang biological mother niya. Pinalaki naman niya ng maayos ‘yung bata.”
With regards kay Aljur, wala naman daw masamang tinapay sa kanya ang boyfriend ni AJ.
“Basta nasa ayos lang lahat. Nagkausap naman na kami niyan. Sabi ko, tinanong ko lang naman sa kanya, e, ‘Ikaw ba’y hiwalay?’ ‘Opo,’ sagot daw ni Aljur kay Jeric. ‘Ikaw ba’y uh, ano ba’ng plano mo sa anak ko?’ ‘Yung tipikal na tinanong ng isang ama. Ang sabi naman niya ay nagmamahalan sila. E, ‘di magaling, ikako. Hahaha!”
Ni-reveal din ni Jeric na ayaw pala niyang pasukin ni AJ ang showbiz.
“Actually, ang pangarap ko d’yan maging lawyer. Nagulat nga ako sa anak ko’ng ‘yan, matagal ko na ‘yang kasa-kasama sa taping. Taping ko ng ‘Ang Probinsyano.’ Taping ko ng ‘We Will Surive,’ ‘The Good Son.’ Kasa-kasama ko ‘yan lagi, e. Nagulat ako biglang isang araw nandoon na sa Viva,” lahad pa ni Jeric nu’ng makausap namin sa ginanap na special screening ng advocacy film na “The Buy Bust Queen” na produced by Pinoyflix sa pakikipag-tulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa direksyon ni JR Olinares.
Present sa ginanap na special screening si PDEA Director General Undersecretary na si Wilkins Villanueva, iba pang PDEA high-ranking officials, si Direk JP at mga artista ng “The Buy Bust Queen” na sina Phobe Walker, Christian Vasquez and Jeric.
“Sakit na ‘yan (drugs) ng bansa natin,” pahayag ni Jeric sa special screening ng “The Buy Bust Queen” last Wednesday. “It’s a good thing nagkaroon tayo ng mga ahensya na kung saan sinusugpo ang talamak na droga. Well, hopefully, sana mabawasan man lang ng malaki. Although, hindi naman matatapos, mabawasan man lang ng 85 porsyento, e, malaki na ‘yon.”
Hindi naniniwala na kaya gumagamit ng bawal na gamot ang iba ay dahil sa influence ng mga taong naka-paligid sa kanila.
“Hindi ako naniniwala doon sa ano, e, temptation. ‘Yung ikaw ay uh, naimplewensyahan? Hindi totoo ‘yun. Gusto mo talaga kaya mo sinubukan. E, ako ang dami kong kaibigan na gumagamit dati. Kahit noong nagaaral pa ako. Pero hindi naman ako naimpluwesyahan sa ganyan. Ni sigarilyo hindi ko gusto, e. Dahil ayaw ko. E, ‘yung alak matanda na ako nu’ng matikman ko. Bente syete na ako nu’ng matikman ko ang alak. Tapos ‘yung mga nagturo sa akin magsi-inom, patay na lahat.”