Nakalaya na mula sa kustodiya ng Makati City police ang aktor na si Awra Briguela noong Sabado ng gabi matapos maglagak ng piyansa sa mga kasong kinasangkutan sa isang gulo sa Makati City noong Huwebes.
Binigyan ng release order ni Executive Judge Gina Bibat-Palamos, ng Makati Regional Trial Court, matapos magpiyansa ng P6,000.
Ilan sa mga kasong kinakaharap ng 19-anyos na aktor ay slight physical injuries at simple disobedience to a person in authority.
Dinala si Awra sa himpilan ng pulisya sa Makati matapos na makipag-away sa isa pang customer sa labas ng The Bolthole Bar sa Poblacion.
Sinabi ng complainant na gustong hubarin ni Awra ang kanyang pantalon at nagalit daw si Awra nang tumanggi ito.
Umalis sa bar ang grupo ng nakaaway ni Awra at nakita ang mga bouncer sa isang video na sinusubukang pigilan si Awra na sundan sila.
Ang sumunod nang eksena ay ang away na ng dalawang grupo sa labas ng bar.
Dumating ang mga pulis at matapos maihinto gulo, inaresto ng mga ito ang aktor.
Ayon kay sa hepe ng Makati City police na si Colonel Edward Cutiyog, sinubukan ng mga pulis na kausapin ng mahinahon si Awra subalit [pinagsalitaan umano sila nito at sa video ay makikitang nagpupumiglas pa ito habang pinoposasan ng mga pulis.
Subalit ayon naman sa isang kaibigan na kasama ni Awra ng gabi na nangyari ang gulo, sinubukan lamang siyang ipagtanggol ng aktor matapos umano siyang hipuan ng lalaki.
Taliwas naman ito sa naging pahayag ng bouncer ng bar sa pulisya na walang nangyaring sexual harassment bago ang gulo.
Kahit pa nakalaya na si Awra, hindi pa siya nagpapainterbyu sa media.
Samantala, nag-iba naman umano ang pananaw ng mga taong sumuporta kay Awra at humihingi ng hustisya para sa kanya nang lumitaw ang mga kopya ng CCTV footage na nagpapakita sa kanya na pilit na pinaghuhubad umano ng pantalon at sinasaktan ang lalaki na nagsampa ng kaso laban kay Awra sa naging gulo sa bar.
Nadismaya ang mga nakisimpatiya sa.kanya nang mapanood umano ang CCTV kaya binawi nila ang suporta sa 19-year-old comedienne na biktima ngayon ng kaliwa’t kanan na matitinding batikos sa social media platforms.