NI GERRY OCAMPO
HINANGAAN at pinuri ng mga kababaihan si Ana Jalandoni sa matapang niyang pagtatapat at pagsasampa ng demanda laban sa (ex)-boyfriend na si Kit Thompson.
Hindi matatawaran para sa isang babae na humarap sa publiko at ikuwento ang sinapit na pananakit sa kanya ng boyfriend.
Matapang na humarap si Ana sa entertainment press at kinuwento ang pambubugbog ni Kit.
Aniya, pagkatapos ng nangyari ay nahirapan na siyang makatulog at halos gabi-gabi ay binabangungot siya sa sinapit na trauma mula sa actor-boyfriend.
“Anxiety, lahat-lahat na, natatakot ako. Sa ospital. Hindi ako natutulog. Nahihirapan po ako. Hanggang ngayon. Traumang-trauma po ako,” umiiyak na pahayag ni Ana sa harap ng press.
Hindi madali sa isang babae na biktima ng violence na idetalye ang mga ginawa sa kanya ni Kit noong gabing iyon sa isang hotel sila sa Tagaytay.
Ayon kay Ana ay sampal, suntok at sakal ang ginawa sa kanya ng aktor.
Ipinakita ni Ana sa press ang mga larawan pagkatapos ang pananakit sa kanya ni Kit.
Hindi rin ininda ni Ana na humarap sa press na may pasa pa sa ilalim ng kanyang mata na matinding napuruhan.
Sa ngayon ay desidido na si Ana at ng kanyang mga magulang na mapatawan ng parusa si Kit sa ginawa nito.
Bukod sa naunang kaso, kakasuhan din ni Ana si Kit ng illegal detention at frustrated homicide.