Latest News

UNYON, NAGBABALA: PAGSASAPRIBADO SA NAIA, DAGDAG-BAYARIN ANG DALA SA PASAHERO, OFWs

By: Jerry S. Tan

Nagsagawa ng kilos-protesta ang Samahang Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP) kamakailan lamang kung saan ay nagbabala ang mga miyembro nito na magdudulot umano ng mataas na bayarin sa airport services ang planong pagsasapribado sa paliparan ng NAIA, kung saan kasama sa mga tatamaan ay ang mga tinaguriang modern-day heroes nating overseas Filipino workers o OFWs, bukod sa mga ordinaryong pasahero.

Ang nasabing unyon ay binubuo ng mga manggagawa mula sa operations at maintenance ng NAIA at ayon sa kanila, mahigit 1,300 na mga empleyado ng NAIA ang nanganganib ring mawalan ng trabaho.

Ayon sa pangulo ng SMPP na si Andy Bercasio,maraming beses nang napatunayan na walang katiyakan o garantiya na ang mga na-privatize na airport ay nagdulot ng kaginhawaan sa mga pasahero, airlines at maging sa mga empleyado ng paliparan at sa publiko.


Hiling naman ng hanay ng mga manggagawa na silipin ng Senado ang anila ay tila minamadaling pagsasapribado sa NAIA, bagamat suportado umano nila ang pagkakaroon ng modernisasyon sa mga pangunahing paliparan at pagtataas ng kalidad sa transportation services sa bansa bilang responsibilidad ng pamahalaan.

Pareho din ang pananaw ng International Air Transport Association (IATA), ang global body na kumakatawan sa commercial airlines at ayon kay IATA CEO, Alexandre de Juniac:”We have yet to see an airport privatisation that has, in the long term, delivered on the promised benefits of greater efficiency for airlines and a better experience for our customers…But our view is that the ownership is best left in public hands.”

Naghayag ng matinding pangamba ang mga trabahador sa airport na sila ay nangangapa umano sa dilim ukol sa seguridad ng kanilang hanapbuhay at iba pang labor concerns sa oras na mag-takeover ang private concessionaires.

“Everything that we do today as airport workers is the subject of the call for bidding priced at P170-B. Up for grabs are the construction of modern infrastructure services in NAIA as well as airport operations and maintenance currently manned by MIAA employees. Thus, we are in the dark as to what will happen to our jobs under this plan,” anila.


Partikular na pinangangambahan ng mga manggagawa ang lumabas umanong balita na inaasahan nang masasapinal ang concession agreement sa winning bidder sa unang tatlong buwan ng susunod na taon na.

Anila, ang coordination, discussion, participation at representation ng unyon pagdating sa mga plano, programa at kaakibat na aktibidad ukol sa reorganization, re-engineering, privatization at iba pang may kinalaman na galaw na maaring makaapekto sa kondisyon ng trabaho ng union members ay nasasaloob ng Article X Section 3 ng MIAA – SMPP Collective Negotiations Agreement (CNA).

Bukod diyan, ani Bercasio: “…international norms of social dialogue between key stakeholders, should underpin the process of privatisation of airports according to ICAO (International Civil Aviation Organization) and ILO (International Labour Organization).”

Natatakot umano ang SMPP na mangyari sa kanila ang sinapit ng mga airport workers sa Mactan at Clark na anila ay na-‘separated from service’ upang sumama sa private concessionaires sa ilalim ng mga bagong kontrata sa ilalim ng pangakong regular jobs at benefits na hindi naman umano natupad.


Nawalan umano ng job security ang mga nasabing airport workers habang ang rates ng airport services ay tumaas sa kaso ng ilang airport privatization.

Binigyang-diin pa nila na ang karamihan sa maituturing na “the world’s best and modern airports” sa kasalukuyan ay nananatiling ‘public’.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags:

You May Also Like

Most Read