Latest News

PAGTANGGAL NG SAPATOS, MARUMI AT WALANG SAPAT NA KONSULTASYON?

By: Jerry S. Tan

May katwiran si Muntinlupa Mayor at dating Congressman Ruffy Biazon na kuwestiyunin ang biglaang pagpapatupad ng tanggalan ng sapatos sa mga paliparan ng bansa, na dagdag pahirap lamang sa mga pasahero na nagdurusa na sa ibang problema gaya ng mga di maiiwasang immigration policy, overbooking at delayed at canceled flights, bukod pa sa pangamba na mawalan ng mga gamit gaya ng mga nagdaang pangyayari kung saan sangkot ang mga taga-Office of Transportation Security (OTS) na siyang nagpapatupad ng pagtanggal ng sapatos bilang bahagi daw ng security regulations.

Sabi ni Biazon, ano nga ba ang matinding rason na nagbunsod nito? May sapat bang pag-aaral ukol sa sapatos? May intelligence information ba ukol sa banta sa seguridad sa bansa? May order ba mula sa ICAO (International Civil Aviation Organization)?

Kinuwestiyon din ni Biazon kung may “study on time and motion” o pag-aaral na ginawa kung gaanong kahabang oras ang gugugulin ng tanggalan ng sapatos.

Marami ang natuwa nang alisin ng airport management ang initial security screening para sa mas mabilis na pagpasok ng mga pasahero sa NAIA Terminals. Aba’y mas mahaba pa ang oras na gugugulin sa paghuhubad at pagsusuot muli ng sapatos.

Bukod diyan, napaka-unsanitary o napakabalahura ng proseso para sa bawat pasahero.

Pag ikaw ay dumaan sa screening area, maghuhubad ka ng sapatos, ilalagay mo sa tray kasama ng iba mong kagamitan. Paglusot mo sa walk-thru detector ay kukunin mo ulit at isusuot ang iyong sapatos at ibang gamit. Ibabalik mo ang bakanteng tray sa lalagyan.

Ang tanong: Malinis ba ang lalakaran mo, gayung may mga dumaan doon na ‘exempted’ o pinapayagang dumaan nang naka-sapatos? Pangalawa, ni hindi mo makikitang iniisprayan man lang ng alcohol o nililinis ang mga ginamit na tray.

Samakatwid, nandoon pa rin sa tray ang dumi ng sapatos ng naunang gumamit nito tapos dun mo ipapatong ang iyong mga personal na gamit gaya ng bag, jacket, shawl, panyo at cellphone na hawak mo maghapon. Hindi ba kababuyan ‘yan? Dapat ay maglaan ang OTS ng supot na lalagyan ng mga sapatos na itatapon bawat gamit dahil nga napakarumi ng sapatos na ginagamit natin sa kalsada kung saan naroon ang iba’t-ibang uri ng dumi, kasama na ang dura at dumi ng mga hayup.

Sa tagal ng aking pagco-cover sa airport beat, ang normal na proseso ay dapat, iiwan mo ang iyong bag, cellphone at mga susi sa tray. Pagdaan mo sa walk-thru detector at tumunog ito, babalik ka ulit para tanggalin ang susi, sinturon o anumang may bakal na maaring sanhi ng pagtunog. Pag tumunog pa ulit, dun mo na huhubarin ang iyong sapatos.

Eto pa. Sa sikip halimbawa ng NAIA 1 kung saan illan ang silya kung saan pupuwedeng magsuot ulit ng sapatos ang mga pasahero, paano kung nagkasabay-sabay ang mga jumbo planes na aabot sa libo ang bilang ng mga pasahero?

Paano din ang mga pasaherong senior citizen o may kapansanan o iba pang hirap sa pagkilos o pagyuko? Ia-assist ba sila ng OTS? Tapos papayuhan ng OTS ang mga pasahero na magsuot ng walang sintas na sapatos o ‘yung mga madaling isuot at hubarin? Pati uri ng sapatos ng pasahero dapat talagang maapektuhan?

Ayon sa mga nakausap kong taga-PNP-Aviation Security Group, naging magulo daw dahil bigla nalang nagkaroon ng implementasyon nang walang sabi-sabi dahil ni walang nasusulat na kautusan ukol sa tanggalan ng sapatos. Nang may mga naghahanap na daw ng nasusulat na regulasyon ay tsaka lang nagkaroon. Ngayon lang ako nakakita na implementasyon muna bago order. Hahah.

Sabi pa ng taga-ASG, ni wala din daw ginawang konsultasyon itong si OTS head Ma O Aplasca sa mga kinauukulan na nasa likod ng operasyon sa mga paliparan, katulad ng PNP-ASG. Maski daw ang mga taga-Department of Transportation (DOTr) at mismong mga taga- Manila International Airport Authority (MIAA) ay bulag sa bagay na ito. Gaano katotoo ito? Nagtatanong lang po. Walang masama sa nagtatanong.

Dapat ang mga hindi pasahero di na pinaghuhubad ng sapatos pag dumaan sa walk-thru detector at kapag tumunog lang saka paghubarin. Ilang administration na ang dumaan, ganun ang ginagawa pwera na lang kung may threat.

Ang mga taga-OTS, ilan sa kanila ay may bad image na —-hindi ko nilalahat dahil marami tayong kaibigan sa OTS na matino.

Paano kung mga pamilya ng OTS dumaan, mga politiko, cabinet members, PNP, Airport police, etc., paghuhubarin ba nila ng sapatos? I doubt.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read