Panibagong kabanata ang desisyon ng Supreme Court sa matagal nang kaso laban kay dating First Lady Imelda Marcos.
Binaligtad ng Supreme Court ang Sandiganbayan conviction sa pitong bilang ng graft na may kaugnayan sa umano’y financial interests ng dating Unang Ginang sa ilang private foundation sa Switzerland.
Ang desisyon ng First Division, na isinulat ni Associate Justice Rodil V. Zalameda, ay inilabas noong June 10, 2026 ngunit naging publiko lamang nitong nakaraang Miyerkules.
Dahil dito, nabaligtad ang 2018 ruling ng Sandiganbayan na naghatol kay Madam Imelda ng pagkakakulong at perpetual disqualification sa paghawak ng public office.
Maaaring iba-iba ang reaksiyon ng publiko. Ngunit kung ilalagay muna sa tabi ang pulitika, ang pinakamahalagang usapin dito ay kung sapat ba ang ebidensiyang ginamit upang mapatunayang guilty ang isang akusado.
Importante ang paliwanag ni retired Supreme Court Associate Justice Arturo D. Brion.
Ayon kay Brion, kailangang mapatunayan ng prosecution ang guilt ng akusado beyond reasonable doubt. Ang conviction ay dapat nakabatay sa Information o formal charge na binasa sa akusado noong arraignment at sa krimeng mismong nakasaad dito.
Sa madaling salita, hindi sapat ang hinala, impresyon o simpleng pagdududa. Kahit may mga dokumentong iniharap, kailangan pa ring maipakita na authentic at valid ang mga ito ayon sa rules on evidence.
Dito nagkaroon ng problema ang prosekusyon.
Ipinaliwanag ni Brion na ang mga dokumento mula Switzerland na ginamit upang patunayan ang financial interests ni Madam Imelda ay itinuring na private documents ng Supreme Court. Dahil dito, kailangan ang tamang authentication.
Ngunit ayon sa dating mahistrado, hindi ito sapat na nagawa ng prosecution. Ang mga testigo ay hindi rin nakapagpatunay, batay sa kanilang personal knowledge, sa mga kinakailangang bagay tungkol sa authenticity at contents ng mga dokumento.
Bunga nito, nagkaroon ng malaking puwang sa kaso ng prosekusyon. Hindi naging sapat ang ebidensiya upang mapatunayan ang guilt ng dating Unang Ginang beyond reasonable doubt.
Importanteng tandaan na ang pag-reverse sa conviction ay hindi nangangahulugang binubura na ang lahat ng kontrobersiya tungkol sa nakaraan. Ang ibig sabihin lamang ay kailangang pairalin ang batas at tamang proseso bago mapatunayang guilty ang isang tao.
Kung ito ang naging pasya ng Supreme Court, dapat natin itong respetuhin. Hindi dahil Marcos siya. Kundi dahil Supreme Court ito.
Maaari pa rin tayong magkaroon ng magkakaibang pananaw tungkol sa kasaysayan. Pero marahil panahon na para tapusin ang walang katapusang pulitikahan. Marami pang problemang kailangang harapin ng bansa ngayon.
Hindi natin kailangang kalimutan ang nakaraan, pero panahon na para mag-move on at tumingin sa hinaharap.











