Grabe na ang kapalpakan ng mga nagpapatakbo ng Radio Frequency Identification o RFID, na ginagamit ng AutoSweep at Easytrip para kuno mas mapagaan ang buhay ng mga motorista, lalo na ‘yung mga nagmamadali.
Hindi lang sila may mga palpak na RFID reader at sistema, may mga arogante pang tauhan, lalo na sa NAIA Expressway o NAIAX.
Nitong Biyernes, dalawang beses akong nabiktima sa loob ng isang araw. ‘Yan ay nung papunta ako sa NAIA para sa isang coverage dakong alas-11 ng umaga at ‘yung pangalawa ay nung pag-alis ko sa NAIA at patungo na ako ng Maynila, mga alas-2:30 naman ng hapon.
Bagamat may rutang walang extra na gastos sa toll, pinili kong dumaan sa NAIAX kahit na may bayad sa toll dahil gusto kong makasiguro na makakarating ako nang nasa oras sa aking pupuntahan.
Ang siste, pagdaan ko sa ETC lane, palpak ang reader ng kanilang RFID sticker. Hindi umangat ang barrier at walang tao sa booth.
Sa parehong pagkakataon, kinailangan kong bumusina para lang may dumalo sa aking problema. Kinailangan kong lumabas ang magkaibang babae mula sa ibang booth at tumungo sa aking kinalalagyan.
Ni hindi mo makikitang nagmamadali ang mga babae na pumasok sa booth malapit sa di tumaas na barrier. Ibinigay ko ang aking RFID card at sinabi ko na sana ay iparating naman nila sa kinauukulan na ipaayos naman ang kanilang sistema dahil malaking abala sa motorista ang kapalpakan na di aangat ang barrier kahit pa gaano kalaki ang balance ng iyong card, tapos kailangan mo pang bumusina para may tumao sa booth, kunin ang card at imano-mano ang pag-enter ng detalye para umangat ang barrier.
Imbes na humingi ng paumanhin o i-assure ang motorista na pararatingin sa mga boss ang problema kahit pa plastic lang, may gana pa ang mga babae na mamilosopo.
Pareho sila ng baluktot na katwiran. Hindi naman daw lahat sira. ‘Yun lang daw dinaanan ko. Eh di dapat kako naglagay sila ng sign sa itaas o harapan na ‘wag dun dumaan dahil sira? Ano ko, manghuhula?
Ganun sila kabastos samantalang may press sticker pa ang sasakyan ko. Paano pa kaya ang mga ordinaryong motorista na nagrereklamo din sa abala ng palpak nilang sistema?
Kaya ka nga kumuha at gumastos ng RFID para convenient, tuloy-tuloy ang biyahe at di ka ma-stress.
Sa sistema ng NAIAX, talaga namang nabale-wala lahat ng dapat sana ay pakinabang na makukuha mo sa ginastusang RFID. Hindi na convenient, abala pa at nakaka-stress. Nadagdagan pa sa kabastusan ng mga tauhan nilang tumatao sa booth.
Tao lang tayo. Kahit anong init ng ulo mo, kung maayos at magalang makitungo ang mga nagbabantay sa palpak na sistema ng tollways, kahit paano mababawasan ang inis mo.
Sa NAIAX, talagang gusto nilang itodo ang pambubuwisit sa mga motoristang inabala ng palpak na sistema ng RFID.
Sa aking pagkakaalam, may naghihintay na multa at traffic violation sa mga motoristang dadaan sa RFID lanes pero hindi sapat ang load. Ito daw ay para maiwasan ang pagkakaroon ng traffic sa mga RFID lanes dahil nga di bubuka ang barrier kapag kulang ang halagang load ng iyong RFID card.
Eh paano naman kung ‘yung nagpapatakbo ng RFID ang may problema? Gaya niyan na ayaw umangat ang barrier kahit malaki pa ang load mo? Di ba dapat sila naman ang parusahan tuwing may ganyang pangyayari? O kaya sila ang magbayad sa motorista dahil sa abalang ginawa nila?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.