Latest News

MGA KAWANI NG CAVITE CITY, NAGREREKLAMO SA UNIPORME

By: Jerry S. Tan

Nagpahayag ng nagkakaisang reklamo ang mga kawani ng Cavite City Hall dahil sa diumano ay pangit, mabantot at sobrang mahal nilang uniporme.

Anila, ang ‘in charge’ sa uniporme ay ni hindi man lang sila binigyan ng ideya kung anong klaseng uniporme ang ibibigay sa kanila, sa kabila nang ito ay may bayad, kung saan ang gagamitin ay ang kanilang ‘clothing allowance’.


Matapos umano silang sukatan, sinabi lamang sa kanila na ‘class’ at maganda ang unipormeng gagawin para sa kanila pero hindi sila pinakitaan ng sample.

Kalaunan, nagulat umano sila nang dumating ang mga uniporme lalo na sa mga kababaihan na wala umanong korte.

Mali-mali umano ang mga size na dumating kahit kinuhanan sila ng mga sukat. Bukod diyan, masyado umanong manipis ang tela at natatakot silang mapunit ito matapos ang ilang laba.


May kakaiba rin umanong amoy ang tela na kahit pa labhan ay hindi nawawala.

Ang pinakamatindi niyan, nakita umano nila ang kaparehong uri ng uniporme na ibinebenta sa Lazada sa halagang P389 lamang para sa isang blouse o polo, gayung P5,000 umano ang singil sa kanila para sa mga uniform nila.


Ang bayad ay kukunin umano mula sa kanilang P6,000 clothing allowance, kung saan sila ay pinapirma ng dokumento na pumapayag sila upang makuha pa nila ang natitirang P1,000.

Ayon pa sa mga empleyado, pinapirma sila kahit di pa nila nakukuha ang kabuuang bilang ng mga uniporme.


Wala naman daw silang magagawa dahil tinatakot sila ng isang taga-loob na matatapon sila sa ‘Corregidor’ kapag di sumunod.

Nananawagan ng imbestigasyon ang mga apektadong empleyado.

Bukas ang pitak na ito para sa panig ng mga kinauukulan.



Naniniwala din akong hindi ito alam o kunsintido ng mayor at lalong hindi ito papayag na maapi ang kanyang mga sariling kawani na kasama niya sa pangaraw-araw na gawain.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like