Latest News

Maynila at bansa, protektado kina PBGen. Dizon ng MPD at Jun Manahan ng BI

Isang mainit na pagbati sa pamunuan at mga miyembro ng Manila Police District (MPD) sa pagdiriwang nila ng ika-122nd founding anniversary nito lamang Martes, Pebrero 21.

Buong pagmamalaking pinuri ni Manila Mayor Honey Lacuna ang kasipagan, kagalingan at dedikasyon ng MPD sa pamumuno ni PBGen. Andre Dizon dahil sa pamamagitan ng kanyang liderato ay napapanatili ng MPD ang pagiging ‘premier police district’ pati na rin ang taguri sa mga MPD policemen bilang ‘Manila’s Finest.’

Pinuri ni Lacuna ang mga tauhan at liderato ng MPD dahil sila umano ang rason kung bakit nagagawa ng mga taga-Maynila na sa gabi-gabi ay makatulog nang mahimbing.

Partikular ding pinasalamatan at pinapurihan ni Mayor Honey si Dizon at mga tauhan ng MPD dahil sa matagumpay, maayos at mapayapang pagdiriwang ng malalaking okasyon sa lungsod, sa kabila ng maramihang taong dumalo sa mga ito.

Kabilang na diyan ang Christmas at New Year’s Day, Feast of the Black Nazarene at ang Feast of the Sto. Nino na magkasabay idinaos sa Tondo at Pandacan.

Talaga namang pagdating sa kagalingan at dedikasyon, hindi pahuhuli ang hepe ng MPD na si Gen. Dizon. Naniniwala kasi ito na “where Manila goes, the country goes”, kaya naman sinisiguro niya na mapanatili ng MPD ang pagiging pangunahing distrito ng pulisya sa bansa.

***

Malaki rin ang dapat nating ipagpasalamat sa mga mga tauhan ng Bureau of Immigration Intelligence Division na pinamumunuan ni Fortunato ‘Jun’ Manahan, Jr. sa pagkakasakote sa Sudanese na sinasabing sangkot sa human organ trafficking.

Inaresto nina Manahan ang dayuhan na si Badreldin Elzaki Ibrahim El Habbib, 44, Makati City, sa bisa ng warrant of deportation na inilabas ni BI Commissioner Norman Tansingco, batay na din sa Summary Deportation Order na inilabas noong 2013 para sa ikadarakip nito.

Nakatanggap noong 2009 ang BI ng hiling mula sa pamahalaan ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA), para madakip si El Habbib dahil sa pagkakasangkot sa organ trafficking na ang mga biktima ay pasyente sa KSA.

Sinasabing modus nito na mag-recruit ng mga Saudi nationals na nangangailangan ng kidney transplant na magtungo sa Pilipinas, ngunit nauwi sa panloloko sa kanyang mga biktima at noong Setyembre 2009 unang maaresto si El Habbib subalit nagawa nitong makapagpiyansa hanggang sa magtungo sa Pilipinas para magtago. Mabuting naaresto ito ng grupo ni Manahan at talagang dapat lamang silang papurihan dahil sa totoo lang, may nakaambang panganib sa bansa at mga Pilipino ang pananatili niya sa Pilipinas.

Hindi naman lingid sa ating kaalaman na may mga natutukso ring magbenta ng kanilang kidney dala ng kahirapan at sinasamantala ito ng ilan, kung saan bibigyan lamang ng baryang halaga ang nagbebenta, kapalit ng habambuhay na pagdurusa dahil sa kakulangan ng kidney.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read