Latest News

MALAKI GUMASTOS SA KAMPANYA? MALAKI DIN ANG NANAKAWIN SA KABAN NG BAYAN

BILANG botante, dapat nating pag-ingatan ang mga kandidato na may mga sikat na ‘mamahaling’ endorsers.

Bakit kanyo? Tiyak pa sa sikat ng araw bukas na ang endorser ay binayaran ng kandidato, sa pag-asang makakauto ang endorser ng mga fans at iboto siya.

Dala ng pandemya, siguradong tagaan ang presyuhan ng mga endorser, na kadalasan siyempre pa ay mga nagmumula sa show business.

Sa ganitong Sistema, sigurado ding babawiin ng kandidato ang kanyang ginastos sa endorser. Sa anong paraan? Sa suweldo ba kukunin? E saan pa nga ba kundi sa kaban ng bayan!

Kaya kayong mga botante diyan, habang libang na libang kayo sa mga singer o artista sa mga political rally, pakaisipin ninyo na ang suma total, taumbayan ang gumagastos sa mga celebrity na ‘yan para lang utuin ang sambayanang Pilipino na iboto ang kandidatong kumuha sa kanila, kahit pa ultimo sila ay iba naman ang ibobotong kandidato.

Isa hanggang dalawang kanta lang, tumitiba na ang endorser ng hanggang anim na pigurang kabayaran.

Alangan namang hindi ‘yan bawiin ng kandidato sa oras na masungkit ang puwestong tinatarget niya?

Tapos, dahil nga sa dami ng kinuhang artista, singer at iba pa, natural na dudumugin ng mga ordinaryong mamamayan ang isang political rally.

Dun na ngayon papasok ang ‘drone shot’ kung saan kukuhanan ng video o litrato ang makapal na tao kuno at palalabasin na ang dinayo ng mga tao ay ‘yung kandidato.

May mga kandidato na kahit pa tadtad ng artista ang political rally ay talagang di tinatao. Kaya ang ginagawa, pinepeke ang litrato para pagmukhaing madami ang dumalo para makinig sa kanya at makita siya bilang pagsuporta.

Mayroon naman diyan, ‘hakot’ ang ginagawa. ‘Yung mga bus-bus na supporters na binabayaran para dumalo sa kanyang rally, sila-sila din ang dinadala sa iba’t-ibang lugar na pinupuntahan ng kandidato sakay pa rin ng mga dambuhalang bus.

Ginagawa ‘yan para lang meron na kaagad siguradong ‘crowd’ sa venue at magmistulang tinatangkilik ng tao ‘yung kandidato.

Naturalmente, bayaran ang mga taong binibitbit ng kandidato kahit saan siya magpunta.

Muli, saan babawiin ang ibinabayad sa kanila na umaabot ng daan-daan kundi man libo-libo? Sa kaban ng bayan, siyempre.

Kaya sa mga botante, maging mapanuri, huwag maging tanga.’Yung malaki gumastos sa kampanya, siguradong magnanakaw pag-upo sa puwesto.

***

(Comments and suggestions may be emailed to [email protected].)

 

Tags: ,

You May Also Like

Most Read