MARAMING aral na maaring matutunan sa mga kaganapan sa Ukraine, sa pagpili ng mga susunod na mamumuno sa ating mahal na bansa sa darating na halalan sa Mayo, lalo na pagdating sa Pangulo.
Kahanga-hanga ang ipinakikitang leadership o pamumuno ni Volodymyr Oleksandrovych Zelenskyy, ang ika-anim na Pangulo ng bansang Ukraine.
Sa batang edad na 44, si Zelenskyy ay nagwagi bilang Presidente ng Ukraine noong 2019, sa edad na 41 lamang.
Siya ay dating actor at sa katunayan ay komedyante pa nga at itinuturing na ‘political outsider.’ Ibig sabihin nito, hindi siya nabibilang sa naglalakihang koponan ng mga grupo o angkan ng pulitiko o ng mga makapangyarihan at mayayamang tradisyunal na ‘political players’ sa kanyang bansa.
Inihayag ni Zelenskyy ang kanyang kandidatura para sa 2019 Ukrainian presidential election noong December 2018 New Year’s Eve, kasabay ng televised address ng noon ay President Petro Poroshenko.
Bagama’t ‘political outsider’ ngang maituturing, unti-unting naging ‘frontrunner’ si Zelenskyy sa mga opinion polls kaugnay ng eleksyon doon, hanggang sa mapagtagumpayan niyang magwagi.
Nakakuha siya ng 73.2 per cent ng kabuuang boto at tinalo niya si Poroshenko. Iprinisinta ni Zelenskyy ang kanyang sarili bilang alternatibo sa nakagisnang ‘establishment’ sa gobyerno.
Kilala din si Zelenskyy sa pagtutulak ng e- government at aktibo rin siya sa paggamit ng social media para sa kanyang mga mensahe.
Hinangaan din si Zelenskyy sa mga naging aksyon ng kanyang pamahalaan laban sa pandemyang dulot ng COVID-19 at sa mga problemang dala nito lalo na pagdating sa ekonomiya.
Ginawa din niyang pantay-pantay ang karapatan ng mga mamamayan nang alisan niya ng kapangyarihan ang mga ‘oligarchs’ o ‘yung mga mayayaman na dahil sa kwarta ay nagpapasasa sa kapangyarihan at impluwensiya pagdating sa larangan ng pulitika.
Ngayong giniyera ng Russia ang Ukraine, muling minahal ng mamamayan si Zelenskyy nang personal niyang sinamahan ang kanyang mga naka-frontline sa giyera gayung puwede naman siyang manatili sa opisina at magbigay na lamang ng mga order.
Higit sa lahat, nakabibilib si Zelenskyy nang tanggihan ang alok ng US na ilipad muna siya sa kalapit na bansa dahil tiyak na daw na target na itong patayin ngayon.
Ang isinagot ni Zelenskyy ay ‘what I need is arms, not a ride.’ Di ba’t kahanga-hanga??
***
(Comments and suggestions may be emailed to peoplestonightonline@gmail.com.)