Latest News

Peoples Tonight Online

HINDI USO ANG SIGA-SIGAAN SA MAYNILA

Nag-report sa inyong lingkod ang ilang stall owner sa Divisoria Public Market para sabihin na wala silang kinalaman sa mga ginagawa ng kanilang mga kasamahan na anila ay nagpapagamit sa mga pulitikong natalo nitong nakaraang eleksyon.

Sabi nila, nagpa-press conference pa daw ang grupo ng mga stall holders kung saan may pasigaw-sigaw pa at nagiiyak-iyakan ang isang nagpapakilalang boses nila kuno, bagama’t hindi naman sila lahat sang-ayon sa mga ginagawa nito.

Ang isinisigaw daw nito ay ang pagbatikos sa closure order na inisyu ng pamahalaang-lokal laban sa mga manininda sa nasabing pamilihan.

Una sa lahat, hindi magi-isyu ng closure order ang lungsod nang walang legal na batayan. Sa lahat ng pagkakataon, tinitiyak naming naka-attach sa order ang dahilan kung bakit isinasara ang isang establisimiyento.

Aba’y tinalo pa sila ng mga manininda sa sidewalk na nagbabayad ng P20 sa umaga at P20 sa gabi o kabuuang P40 kada araw habang nakababad sa arawan maghapon.

Sa loob ng napakahabang panahon, nagtitinda ang mga nagrereklamong stall owners nang walang kaukulan o binabayarang permit at taxes. Permanente ang mga puwesto nila sa loob ng isang shopping mall, naka-aircon at maluwag at komportable ang operasyon.

Matagal na nilang napakinabangan at inabuso ang pagtakas sa responsibilidad, hindi pa sila nakuntento.

Dapat ay matuwa sila dahil ang administrasyon ngayon ay masinop sa pag-aalaga ng kaban ng lungsod. Kaso, ang gusto ng mga nagpa-presscon ay malibre sila at maging exempted sa itinatakda ng mga umiiral na batas at regulasyon.

Napaka-espesyal ba nilang mga nilalang para makapaninda nang libre at walang obligasyon sa gobyerno?

Ikinagagalit din daw nila na na-promote pa daw ako sa kabila nang ako ang nag-isyu ng closure order noong ako ay Secretary to the Mayor pa ni Mayor Isko Moreno.

‘Yun pa nga. Kung may mal isa mga ginagawa ko, hindi para ma-promote pa ako. Dapat sana ay sinibak na ako noon pa man.

Sa hanay ng mga naguumiyak kuno na stall holders, may taga-PDP Laban diyan. Kabisado at alam na alam ng partido ang aking paninindigan pagdating sa pagpapairal ng tamang kalakaran, kahit sino pa ang masaktan.

Sa mga stall holders ng Divisoria, dapat ninyong malaman na hindi kayo “above the law.” Kung ano ang umiiral sa mga maliit na manininda sa sidewalk ay ganun din sa mga mayayamang stall owner na kagaya ninyo.

Pantay-pantay ang aplikasyon ng batas sa Maynila. Hindi porke’t may pera na kagaya ng mga stall owners na ito ay papaburan na sila. Nagsiyaman na sila, hindi pa kuntento.

Saan ba napupunta ang mga perang nalilikom sa mga binabayarang permit at tax? Ito po ay ginagamit pabalik sa mga tao sa pamamagitan ng social services gaya ng ayuda at mga libreng serbisyo pagdating halimbawa sa kalusugan at edukasyon.

Sa pagtakas ng mga stall owner sa pagbabayad ng tamang permit at buwis, ang pinagkakaitan nila ay ang benepisyo na dapat sana ay pakinabangan ng mga ordinaryong mamamayan ng Maynila.

Tigilan na sana nila ang pagpapagamit sa pulitika ng mga talunang pulitiko sa Maynila.

Hindi po uubra sa administrasyon ang mga drama na paiyak-iyak na walang luha, pasigaw-sigaw at pananakot. Sanay po kami diyan at hindi po kami makukuha sa ganyan.

Lumagay tayo sa legal, dapat at tama. Kahit maubos ang boses ninyo sa kasisigaw, hangga’t hindi kayo nagbabayad ng tamang permit at buwis ay hindi kayo uubra. Magiging ‘unfair’ ito para sa maliliit na manininda na nagbabayad nang tama at sumusunod sa regulasyong ipinatutupad ng pamahalaang-lokal.

Nagsawa na ang mga residente ng lungsod sa mga drama ng pulitiko at mga bintang na walang basehan, at ipinakita nila ito nang manalo si Mayor Honey Lacuna nang may ubod ng laking kalamangan sa kanyang mga nakalaban.

Ngayon, eto namang mga stall owners ang ginagamit ng mga pulpol at talunang pulitiko para siraan ang nakaupong administrasyon. Hindi umubra noong eleksyon, lalong di uubra ito ngayon.

Eto na lang. Hinahamon ko ang mga nagrereklamong stall owners na i-contest ang closure order.

Magpakita sila ng pruweba na meron silang permit o nagbabayad sila ng kaukulang permit at buwis sa Maynila dahil ‘yun lamang ang magpapatunay na mali ang pag-isyu ng closure order laban sa kanila.

Hindi uso ang siga-sigaan at drama sa Maynila. Pwede ba?

 

(Comments and suggestions may be emailed to [email protected].)

Tags: ,

You May Also Like

Most Read