Sa di na mabilang na pagkakataon ay nakatanggap ng mga papuri sa pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) itong si Dennis Alcedo dahil sa magagandang trabaho nito bilang hepe ng Immigration- Border Control Investigation Unit (BI- BCIU).
Pinakahuling papuri na tinanggap nito ay mula kay BI Commissioner Norman Tansingco, dahil sa pagkakaharang sa dalawang banyaga na may pekeng dokumento, isang Chinese national at isang Indian.
Ang Chinese national na si Zhang Yang, 30, ay nagtangkang umalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 lulan ng Philippine Airlines flight patungong Bangkok, Thailand nang nahulihan ng pekeng Philippine visa sa kanyang passport. Nakumpirma din itong peke ng forensic documents laboratory ng BI.
Nadiskubre pa na ang pangalan ni Zhang ay nasa immigration blacklist ng BI dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pamamalagi sa bansa.
Ang Indian naman na si Malkeet Singh, 42, ay nabuking sa NAIA Terminal 1 matapos dumating sakay ng Scoot Airline flight mula Singapore, kung saan napuna ng mga opisyal na ang dating Philippine arrival stamp sa passport nito ay may mga kaibahan sa mga katangian nito. Nakumpirma rin ng tertiary inspection sa forensic laboratory ng BI na peke ang stamp nito.
Noon namang nakalipas na buwan, nasabat ng grupo ni Alcedo ang Chinese national na si Chen Yiye, 48, na nagtangkang lumipad patungong China via China Southern flight sa NAIA Terminal 1. N akita sa record ni Chen na siya ay kabilang sa blacklist ng BI, isang pugante at may deportation case na ipinalabas noon pang 2017.
Siya ay nasa bansa bilang isang retiree, at iniulat na naaresto noong August 2016 sa Angeles City, Pampanga sa pagdadala ng 36.58 kg ng shabu na may tinatayang halaga na umaabot sa P100 million.
Noong February 2022 naman ay pinapurihan din si Alcedo kaugnay ng pagkakatimbog sa mga Japanese na sina Yuzuru Marumo at Masayuki Aoyagi, matapos silang mahuli ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 dahil sa pagdadala ng malaking halaga ng foreign currency na hindi deklarado.
Hiningi ng BOC ang tulong ng BI sa pamamagitan ni Alcedo, upang mag-monitor ng pagdating ng dalawang Hapon, matapos makatanggap ng impormasyon na patungo ang mga ito sa Pilipinas mula Narita.
Dahil sa maagap at episyenteng pag-coordinate ng BI sa BOC officers, timbog ang dalawa na nagbitbit ng hindi deklaradong cash na umabot ng 100,645,000 Yen o katumbas ng P44.8 million.
Ilan lamang ‘yan sa magagandang trabaho ni Alcedo na nagbigay-daan para siya umani ng papuri sa sinumang nagiging Commissioner ng BI.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














