MALAKING insulto para sa pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang naganap na pananambang sa isang negosyante sa harapan mismo ng Manila City Hall kamakailan lamang. Nangyari kasi ang krimen sa pusod ng Maynila kung saan malubhang nasugatan ang isang Filipino-Chinese.
Nagmamaneho ng isang SUV ang biktima nang mangyari ang pananambang sa kanya sa tapat ng Manila City Hall southbound lane Huwebes ng hapon (Abril 7). Ang biktimang si Kim Lok Sy, 50 anyos at nakatira sa Valenzuela City, ay lulan ng kanyang Toyota Fortuner na may plakang NBE 6545 dakong 4:20 ng hapon nang tambangan sa panulukan ng Padre Burgos at Victoria Streets sa Intramuros, Maynila.
Tinutugis na daw ngayon ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang riding- in- tandem suspects.
Tinatahak ng biktima ang nasabing lugar nang tinabihan ang kanyang sasakyan ng motorsiklo na may sakay na magka-angkas at pinagbabaril ang bahagi ng driver’s seat, kaya’t agad na tinamaan ang biktima na masuwerteng nakaligtas habang hindi naman nasaktan ang kasama niya sa sasakyan na si Dexter Tan. Isinugod sa Medical Center Manila ang biktima na nasa ligtas nang kalagayan.
Iniimbestigahan ni P/Corporal Alexis Ambrocio ang insidente habang patuloy ang operasyon ng Follow-up at Tracker Team ng MPD poara sa pagtugis sa mga suspek.
Noong Pebrero, patay ang isang Information Technology Operator ng Bureau of Customs (BOC) matapos tambangan ng di-nakilalang gunman nakasakay sa motorsiklo sa may panulukan ng Pedro Gil at Pasig Line sa Sta. Ana, Maynila.
Hindi na umabot ng buhay sa Sta.Ana Hospital ang biktimang si Gil Manlapaz Jr., 47 ng Fabie Estate, Sta. Ana, Maynila.
Sa inisyal na ulat ng MPD, inilarawan ang suspek na nakaauot ng kulay itim nanjacket,nakapantaln,dilaw na helmet at nakasakay sa kulay itim na motorsiklo. Naganap umano ang pananambang sa biktima, alas 7:50 ng gabi sa nabanggit na lugar. Nasa loob ng kanyang sasakyan at nakahinto malapit sa kanyang bahay ang biktima nang dikitan at barilin sa ulo ng suspek. Hanggang ngayon ay wala pang linaw kung sino ang suspek at kung ano ang motibo sa nasabing pamamaslang. Ganito rin kaya ang kahantungan ng sinasabing imbestigasyon sa ambush na naganap sa harap ng Manila City Hall??? Abangan.
***
(Comments and suggestions may be emailed to [email protected].)