Pumalag si San Juan City Mayor Francis Zamora sa mga akusasyon ni Senator JV Ejercito na posibleng ‘political vendetta’ ang nasa likod nang umano’y hindi paglalabas ng San Juan City government ng terminal pay ng may 20 retiradong empleyado nito, na naglingkod noong mga Estrada pa ang namumuno sa lungsod.
Sa isang pahayag nitong Martes, ipinaliwanag ni Zamora na simula pa noong 2019, ang City Government ng San Juan ay nakapaglabas na ng Terminal Leave Benefits ng mga dating City Government employees na nagkakahalaga ng P45,934,981.03 sa may 122 claimants, kabilang aniya dito ang kay dating San Juan Mayor Guia Gomez, na ina ni Sen. Ejercito, at mga key members ng mga dating Estrada administrations.
Tinawag rin ni Zamora na ‘preposterous’ ang alegasyon ni Ejercito na political vendetta ito dahil nasa 122 claims na aniya ang nailabas nila para sa mga Estrada appointees, patunay na walang bias sa kanilang selection process kung sino ang tatanggap ng mga benepisyo.
Dagdag pa ni Zamora, dahil ang mga Estrada ay 49 taong namuno sa San Juan, o mula 1969 hanggang 2019, inaasahan nang ang lahat nang nag-aaplay ng Terminal Leave Benefits ay politically affiliated sa kanila, bilang kanilang mga long time employees.
Paliwanag pa niya, ang mga releases ay base sa iskedyul na kanilang mahigpit na sinusunod para na rin sa budment management purposes upang masigurong ang lahat ng aspeto ng local governance ay nabibigyan ng sapat na atensiyon.
Aniya, hindi nila mailalabas ang lahat ng terminal benefits ng isang tranche o isang bagsakan lamang dahil ito ay magkakaroon ng matinding epekto sa budgeting at finances ng lungsod.
“Wala akong iniipit o ginigipit ng dahil sa politika. Sa katunayan, isa si Mayor Guia Gomez sa kauna unahang nakatanggap ng kanyang Terminal Leave Benefit,” ayon pa kay Zamora.
“There is no reason for the Senator to claim that this is politically motivated given that in the 2022 Elections, he asked for my support when he ran for Senator. Binigay ko ang aking suporta, tinulungan ko siya at bilang pag-endorso, isinama sa aming sample ballot. Walang dahilan o basehan para isipin niya na may away politika kami na magiging dahilan para ipitin ko diumano ang TLB ng mga tao nila,” dagdag pa niya.
Siniguro pa ni Zamora na ang pamahalaang lungsod ay committed sa paglalabas ng mga claims para sa Terminal Leave Benefits ng lahat ng kuwalipikadong empleyado.
Aniya, ang pagproseso at paglalabas ng benepisyo ay ongoing at patuloy na isinasagawa upang masiguro na ang mga walang nakabinbing reklamo o kaso ay isasa-prayoridad.
Pagtiyak pa ni Zamora, kakampi man o katunggali sa politika, ay patas ang tingin nila bilang mga San Juaneño.
Nauna rito, sa isang privilege speech, sinabi ni Ejercito, na dating alkalde ng lungsod, na ilang retiradong empleyado ng lungsod ang lumapit sa kanyang tanggapan hinggil sa hinaing ng mga ito na hindi pa naibibigay ang kanilang terminal pay na aabot ng P1 milyon hanggang P3 milyon.
Karamihan aniya sa mga ito ay nagsilbi sa pamahalaang lungsod noong siya pa ang alkalde doon, gayundin noong administrasyon nina dating Pang. Joseph Estrada; kanyang inang si Gomez; at half-brother, na si Senator Jinggoy Estrada.
“Hindi sila namili ng tutulungan at pagsisilbihan, ano man ang grupo o partido na kinabibilangan ng nangangailangan…Ngunit nung sila po ay nag-retiro mistulang tiningnan at pinasama ang kanilang mabuting ugnayan sa aming pamilya,” ani Ejercito.
“If they are not paid what is due to them, there is no other way to describe this as political vendetta,” dagdag pa ng senador. (Baby Cuevas)














