Pangungunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagsasagawa ng inspeksiyon sa San Juan City Cemetery ngayong Miyerkules, Oktubre 25, 2023, bilang bahagi ng isinasagawang paghahanda ng pamahalaang lungsod sa nalalapit na paggunita ng Undas 2023.
Ayon kay Zamora, dakong alas-9:00 ng umaga nila sisimulan ang inspeksiyon sa San Juan City Cemetery, na matatagpuan sa Boni Serrano Avenue, sa Brgy. West Crame, bago pa man dumagsa doon ang mga San Juaneños upang dalawin at tirikan ng kandila ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Bukod naman sa naturang pangunahing sementeryo ng lungsod, tutunguhin rin ng grupo ni Zamora ang mga kolumbaryo ng St. John The Baptist at Santuario del Sto. Cristo, upang matiyak na ang mga ito ay handa sa pagdagsa ng mga mamamayan.
“Our cemeteries will be operating at 100% capacity so we are doing the inspection 3 days before families gather here to finalize everything – to keep peace and order, and ensure the safety of everyone,” pahayag pa ni Mayor Zamora.
Magpapakalat rin aniya sila ng mga tauhan ng San Juan PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), Public Order and Safety Office at Task Force Disiplina sa mga sementeryo at mga kolumbaryo na siyang magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga sementeryo.
Magtatayo rin sila ng booths ng Quick Response Teams ng San Juan CDRRMO at ng City Social Welfare and Development (CSWD) upang siyang umasiste sa mga taong mangangailangan ng agarang pangangalagang medikal, gayundin sa mga batang posibleng mawala sa loob ng sementeryo.
Ani Zamora, San Juan cemetery at lahat ng personnel nito ay naka-full operation mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng madaling araw.
Nagpaalala rin naman ang alkalde na ang pagdadala ng matutulis na bagay, mga armas, ilegal na droga, nakalalasing na inumin, bisikleta at motorsiklo ay bawal sa loob ng sementeryo.
Hindi rin pinahihintulutan ang pagpapatugtog ng malakas na musika, pagkakalat, pagsusugal, pagbebenta ng mga bulaklak, pagkain at inumin, gayundin ng kandila nang walang special mayor’s permit, gayundin ang pag-tap ng elektrisidad.
“I am asking everyone to follow all the rules and regulations so we can have a peaceful, orderly and meaningful observance of Undas,” panawagan pa ni Mayor Zamora.