WORK FROM HOME AT RIDE SHARING PARA MAKATIPID NGAYONG KRISIS, ISINUSULONG NI SEN. ERWIN TULFO

By: Jerry S. Tan

SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan, iminungkahi ni Sen. Erwin Tulfo na ibalik muli ang work from home program ng mga pribadong kumpanya at pamahalaan para makatipid ang mga manggagawa.

“Kung hindi naman kailangan ang pisikal na presensya o aktibidad ng manggagawa sa trabaho, bakit di na lang magreport online? Halimbawa ang mga nasa opisina sa planning, research, admin, customer service at iba pang kahalintulad na trabaho ay pwede na mag-work from home,” ani Tulfo.


Aniya, nagawa naman ito noong pandemic at epektibo naman daw maging ang pagtuturo sa mga mag-aaral noong panahon ng covid ay online.

“Maging ang medical consultation at check-up nagawa sa online ng mga doctor noong pandemic. Bakit hindi gawin na naman ngayon? At kung kailangan ang presensya sa trabaho tulad sa manufacturing, hotel at restaurant, o sa ospital pwedeng isang sasakyan na lang ang mga magkakatrabaho at hati-hati na lang sa gas”, dagdag pa ni Tulfo.

Ayon sa kanya, maaari din daw mag-book ang mga magkaka-opisina sa ride hailing app at hati-hati na lang sa pamasahe.


“Napapansin ko na tila dumarami ang stranded na mga pasahero sa lansangan these days dahil kumukonti ang mga bumibiyahe na PUVs dulot ng mahal na presyo ng petrolyo. With these steps that we have tried before makakatipid ang mga manggagawa”, dagdag pa ni Tulfo.


Tags: Sen. Erwin Tulfo

You May Also Like