HINIKAYAT ng Simbahang Katolika na patuloy na hanapin ang katotohanan para manaig ang “will of the people” sa nalalapit na halalan sa Mayo 9.
Gayundin, hinimok ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr., ang mamamayan na maging mapanuri sa paghahanap ng katotohanan lalo na’t papalapit na ang halalan.
Sa pahayag ni Bacani sa Simbahan at Halalan ‘One Godly Vote’ campaign ng Archdiocese of Manila, hindi lamang ‘guns, goons and gold’ ang ginagamit ng mga kandidato para makakuha ng boto ng publiko.
Ginagamit na rin ang social media upang magpalaganap ng maling impormasyon laban sa magkakalabang pulitiko na maaring magdulot ng kalituhan o magpabago sa pananaw ng mga botante na makakaapekto sa resulta ng botohan.
‘Kapagkaganyan, hindi na ang ‘will of the people’ ang nangyayari. At tandaan natin yan, if the will of the people is not accomplished, not fulfilled then ang mangyayari niyan e hindi na rin will of God ang maboboto kapag dinaan sa panlilinlang,” ayon sa obispo.
Sinabi ni Bacani na sa pagpapatuloy ng kampanya, ilang mga kandidato ang gumagamit nang panlilinlang sa publiko sa pamamagitan ng fake news sa social media at mga paratang ng ‘hakot system’ at mga ‘bayarang tagasuporta’. (Jantzen Tan)