AGAD na nasawi ang isang 31-anyos na welder matapos matulog at mahulog mula sa ika- apat na palapag ng pinagta-trabahuhang gusali kamakalawa ng umaga sa Paco,Maynila.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District -homicide section, nadiskubreng patay ang biktimang si Marjeson Golosing, stay-in worker, sa 1441 San Antonio St. corner Peñafrancia St., Brgy. 680, Paco, Maynila .
Nasawi ang biktima matapos na magkaroon ng malaking sugat sa ulo bunga ng paghampas ng likurang bahagi ng ulo sa sementadong sahig ng Ikatlong palapag.
Ayon sa ulat, sinabi ni Rouli Abejero, 27, construction worker, na nakipag-inuman umano ang biktima at nakita umano niya alas- 12 ng madaling araw na umakyat ang biktima sa ikaapat na palapag ng gusali na ginagawa pa lamang, para doon matulog dahil mahangin sa lugar.
Sinaway umano ni Abejero ang biktima na bumaba at doon matulog sa itinalagang barracks para sa kanila pero hindi nakinig ang biktima.
Alas- 3 ng madaling araw nang maalimpungatan si Abejero at nakita ang biktima sa 3rd floo, Hindi umano niya ito pinansin sa pag- aakalang bumaba ito mula sa 4th floor at natulog sa 3d floor.
Gayunman, alas-7 ng umaga ay pinuntahan ni Abejero ang biktima at dito niya napansin na duguan ang ulo nito at wala nang buhay, kaya kaagad niyang ipinaalam sa mga kasamahan.
Dinala ang bangkay sa funeral parlor para sa awtopsiya at safekeeping, habang patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya para malaman kung may ‘foul play’ na naganap sa pagkamatay ng biktima.














