WAR MATERIALS, NASABAT

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Tatlong armadong kalalakihan ang inaresto ng mga otoridad matapos silang mahulihan ng mga baril sa Brgy. Tonganon, Carmen, Cotabato, bandang alas-6:30 kahapon ng umaga, Marso 2, 2025.

Ayon kay Lt. Col. Erwin Jay E. Dumaghan, pinuno ng 40th Infantry (Magiting) Battalion, sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa nasabing lugar. Agad namang rumesponde ang mga elemento ng 40IB at lokal na pulisya upang pigilan ang karahasan at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.

Sa isinagawang law enforcement support operation ng militar kasama ang pulisya, naaresto ang tatlong indibidwal at narekober mula sa kanila ang isang M14 Rifle, dalawang M16 Rifle, dalawang bandolyer na naglalaman ng mga magasin at bala at isang short hand-held radio. Ang mga nahuling suspek ay agad na dinala sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon at paghahanda ng mga kasong isasampa laban sa kanila.


Matatandaang noong nakaraang araw, Pebrero 25, namagitan din ang 40IB sa isang girian sa isang barangay sa bayan ng Matalam, Cotabato. Nagresulta ito sa pagsuko ng mga armas mula sa magkabilang panig, kabilang ang dalawang Rifle Cal .30 M1 Garand at isang Pistol Cal .45, kasama ang mga magasin at bala. Ang naturang pagsuko ng armas ay naganap sa Brgy. Ilian, Matalam, Cotabato.

Bilang tugon sa mga insidenteng ito, nagbigay ng madiin na pahayag si Brigadier General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force-Central: “Hindi mangingimi ang ating kasundaluhan na supilin ang sinumang nagnanais sirain ang kapayapaan at kaayusan sa ating nasasakupan. Walang puwang sa ating komunidad ang mga taong naghahasik ng karahasan. Patuloy tayong magsasagawa ng operasyon upang tiyakin ang seguridad ng ating mga kababayan at patatagin ang kapayapaan sa bahaging ito ng Mindanao.”


Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan sa pagpapanatili ng katahimikan sa rehiyon at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang kilos ng mga mamamataang miyembro ng armadong grupo.


Tags: Lt. Col. Erwin Jay E. Dumagha

You May Also Like

Most Read