DINAKIP ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 14 ang isang 30- anyos na lalaking wanted sa kasong rape at two counts ng sexual assault sa isinagawang operasyon Miyerkoles ng hapon sa Cagayan de Oro.
Ang suspek na si Ramil na nasa Top 7 Most Wanted Person (District Level) ay di na pumalag nang lapitan at arestuhin ng mga tauhan ng MPD-PS14 at mga lokal na pulis sa Victors Subdivision Puli, Zone 6, Brgy. Canitoan, Cagayan de Oro City.
Ayon kay PLTCol. Wilfredo Fabros , Jr., station commander ng PS14, si Ramil ay inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Manila RTC Presiding Judge James Sy ng Branch 4 at may petsang Agosto 29,2024.
Walang inirekomendang piyansa ang hukom sa kasong rape habang inirekomenda naman ang P200,000 piyansa sa two counts ng sexual assault.
Kasalukuyang nakadetine sa City Mobile Force Company Maharlika Detention Facility sa Cagayan de Oro City Police ang suspek at nakatakdang dalhin sa court of origin sa Maynila.














